Si Mayor Vico, ex-post facto law at warrantless arrest sa fake news | Bandera

Si Mayor Vico, ex-post facto law at warrantless arrest sa fake news

Atty. Rudolf Philip Jurado - April 06, 2020 - 11:21 AM

ANG isyung pag-iimbestiga kay Pasig City Mayor Vico Sotto dahil diumano sa paglabag ng Bayanihan Law ay kasing init din ng usaping kung pupwedeng hulihin ang mga nagpapalaganap ng fake news ng walang warrant of arrest.

Nagtatanong din ang marami kung ano ang ex-post facto law kaugnay sa kaso ni Mayor.

Ito ang mga katanungan ng ating mga readers at mga tagasubaybay.

1. Mayroon bang pananagutan ang mga local government officials, katulad ni Mayor, sa hindi pagsunod sa mga batas, kautusan, patakaran at alituntunin na itinakda ng National Government para labanan o sugpuin ang COVID-19 crisis?

Ang Bayanihan Law (RA 11469) ay malinaw pa sa sikat ng araw na nagtatakda na binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na siguraduhin na ang lahat nang Local Government Unit (LGUs) ay umakto nang naaayon sa nakasaad at layunin ng mga panuntunan (rules), regulasyon (regulation) at direktiba (directive) ng National Government alinsunod sa Bayanihan Law at pinatutupad sa pare-parehong pamantayan ang community quarantine na inilatag ng National Government sa subject area.

Ganito rin ang direktiba ng Pangulo sa Secretary of Interior and Local Government ayon sa inilabas na guidelines ng Malacanang na may petsang Marso 28, 2020.

Ang lalabag sa Bayanihan Law ay may parusang kulong na dalawang buwan at multa na hindi bababa sa P10,000 at hindi hihigit sa P1 milyon o kulong at multa.

Klaro sa batas na ito na ang lahat ng Local Government Official, kasama si Mayor, ay dapat sumunod sa direktibang ito. Ang pagsuway dito ay isang paglabag sa batas na ito.

2. Nilabag ba ni Mayor Vico ang batas na ito nang payagan niya ang mga tricycle na bumyahe noong Marso 17, 2020 para magsakay ng mga health workers at mga exempted sa quarantine?

Hindi nilabag ni Mayor ang Bayanihan Law sa dahilan nang ginawa niya ang pag payag sa tricycle na bumyahe ay wala pa at hindi pa epektibo ang Bayanihan Law.

Naging epektibo lang ang Bayanihan Law noong Marso 26, 2020 nang ito ay mailathala sa official gazette.

Walang batas, kaya walang nilabag. Ganun lang kasimple yun mga kuya at ate.

3. Hindi ba pwedeng i-apply retroaktibo (retroactively) ang Bayanihan Law sa ginawa ni Mayor Vico?

Hindi ito pupwede, dahil may penal provision ito na may parusang kulong o multa. Kung ito ay i-aapply retroaktibo (retroactively) kay Mayor, ang provision sa Constitution laban sa ex-post facto law ay malalabag.

4. Ano ba ang ex-post facto law?

Ito ay isang batas na ginagawang illegal o bawal ang isang kilos (act) na legal noong ginagawa.

Halimbawa, may batas kunwari na pinasa ngayong 2020 na nagbabawal at nagpaparusa nang kulong sa mga taong umiinom ng alak mula 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Ito ay isang ex-post facto law dahil noong 2016 bago maipasa ang batas na nagbabawal uminom ng alak, ang pag-iinom nang alak ay legal at hindi pa ipinagbabawal.

Ang batas ay masasabi ding ex-post facto law kung ito ay nagdadagdag ng parusa, kulong o multa matapos itong magawa.

5. Pwede bang arestuhin ng walang warrant of arrest ang mga nag post ng mga FAKE NEWS sa social media?

Ang pag post sa Facebook, Instagram, Twitter at sa iba pang plataporma ng mga fake news tungkol sa COVID-19 crisis ay maituturing na isang patuloy na krimen o continuing crime.

Habang ang fake news ay nanatiling nakapost may paglabag sa batas na nagaganap.

Dahil dito, maaari kang arestuhin maski walang warrant of arrest.

6. Papaano kung nabura na yung fake news sa Facebook, Instagram o Twitter, pwede pa bang arestuhin ng walang warrant of arrest?

Hindi na maaaring arestuhin ng walang warrant of arrest dahil wala nang kasalukuyang nagaganap na krimen o paglabag sa batas.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kailangan na ng mga awtoridad (PNP o NBI) na maghain ng kaso sa Office of the City/Provincial Prosecutor o sa DOJ dahil sa paglabag nang Bayanihan Law.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending