Pinoy ‘di lalabas ngayong ‘Palaspas’
KASUNOD nang suspensyon ng mass gatherings bunsod ng coronavirus disease (COVID-19), bawal rin munang lumabas para sa ‘palaspas’ ang mga Katolikong Pinoy.
Ang Linggo ng Palaspas o Palm Sunday ang simula ng paggunita ng Semana Santa. Kultura na sa Pilipinas ang selebrasyong ito simula nang yakapin ng bansa ang Katolisismo noong 16th century.
Ngunit sa pagkakataong ito, walang magaganap na pagwiwisik ng holy water sa mga pinatuyong dahon ng niyog na sumisimbolo ng pagdating ni Hesukristo sa Jerusalem.
Maging ang ibang kaganapang may kinalaman sa Holy Week gaya ng Pabasa, Senakulo at banal na prusisyon ay ipinagbawal pansamantala para maiwasan ang dagsa ng tao at masunod ang social distancing.
Upang maipagpatuloy ang tradisyon, inabisuhan ng Simbahang Katolika ang mga tagasunod nito na gumamit na lang ng tuyong sanga ng kahoy para sa “virtual benediction” habang nakikinig o nanonood ng misa sa radyo, telebisyon at internet streaming.
Sa lalawigan ng Quezon, maglilibot na lang ang mga parish priests para basbasan ang mga palaspas sa harap ng kabahayan doon.
Isa ang 60-anyos na si Luz Sumague ng Barangay Lakawan sa bayan ng Tayabas ang apektado ng lockdown. Sinabi niya sa report ng Philippine Daily Inquirer na hindi lang malulugi ang mga gumagawa ng palaspas kundi maaapektuhan pati ang paniniwala ng mga Katoliko.
Isa ang Tayabas sa oldest municipalities ng Quezon province. Ang ipinagmamalaking Minor Basilica of St. Michael the Archangel nito ay idineklarang National Cultural Treasure ng National Museum noong 2001.
Gayunpaman, tuloy ang tradisyon para sa matanda.
“Gagawa pa rin ako ng palaspas pero siguro para na lang sa pamilya at kaibigan ko,” sabi ni Sumague.
Kawalan sa karagdagang kita
Para naman sa mga residente ng Cavinti, Laguna, ang paghabi ng palaspas ay tradisyon ng pamilya at dagdag kita pero para sa nakararami, lalo na sa matatanda, isa itong banal na panata.
Sa mga oras na ito, abalang-abala na sana ang mga taga Southern Luzon sa paghabi ng mga palaspas para ibenta sa mga nasabing probinsya at sa Metro Manila.
Sa halip, nakakulong sila ngayon sa kani-kanilang tahanan bilang pagsunod sa month-long, Luzon-wide enhanced community quarantine (EQC). Sa Abril 14 pa matatapos ang lockdown ngunit posibleng ipatupad pa ang ng 15-day extension, ayon kay National Task Force (NTF) COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez, Jr.
Ang mga dekorasyon sanang magpapaganda sa palaspas, ayun at nakatengga sa isang gilid.
“Nasa 70 percent ng bayan ang gumagawa ng palaspas,” sabi ni Cavinti Tourism Officer Nitzshell dela Torre sa Inquirer.
“Hindi lang ito ginagawa ng mga simpleng residente, pati na rin ‘yung may malalaking bahay at kotse negosyo rin nila ito,” dagdag niya. Halimbawa nito ang pamilya ni Cavinti Vice Mayor Arrantlee Arroyo.
“Yung puwesto namin sa simbahan sa Caloocan, namana namin iyon mula sa aming lolo’t lola,” ani Arroyo na nagsabing malaking kawalan talaga sa kita ng mga lokal ang dulot ng COVID-19.
Nakabebenta sila ng nasa 4,000 piraso at kumikita ng humigit kumulang P30,000 kada taon habang ang mga ordinaryong residente naman ay kumikita ng karagdagang P10,000 mula sa palaspas.
Kahit na gustong suportahan ang nasasakupan, walang magawa ang local officials kundi ang sumunod sa health safety protocols para sa mas ikabubuti ng lahat.
Namigay na ang local government ng relief goods sa mga residente para maibsan ang epekto ng lockdown at pagkahinto ng trabaho, sabi ng bise-alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.