Kobe Bryant, Duncan, Garnett nanguna sa Basketball Hall of Fame
KASAMA na si NBA Legend Kobe Bryant sa mga dinadakilang atleta na nasa Basketball Hall of Fame.
At kasama niya ang maituturing na elite company ng 2020 class ng Basketball Hall of Fame.
Kasama ni Bryant, na namatay sa helicopter crash noong Enero 26 (US time), ang kapwa NBA greats na sina Tim Duncan at Kevin Garnett sa siyam katao na grupo na inanunsyo nitong Sabado (US time, Linggo PH time) bilang enshrinees ngayong taon sa Naismith Memorial Basketball Hall of Fame.
Nakapasok agad sila sa Hall of Fame sa kanilang unang taon bilang mga finalists kasama si WNBA great Tamika Catchings. Nakasama rin nila sina two-time NBA champion coach Rudy Tomjanovich, Baylor women’s coach Kim Mulkey, 1,000-game winner Barbara Stevens ng Bentley at three-time Final Four coach Eddie Sutton.
Sila ang walong finalists na inanunsyo noong Pebrero at pinili sila ng panel na binubuo ng 24 botante. Nakapasok din sa Hall ngayong taon si dating FIBA Secretary General Patrick Baumann na naging direct-elect ng international committee.
Namatay si Bryant, na dating NBA season MVP, 5-time NBA champion at 18-time NBA All-Star, tatlong linggo bago sabihin ng Hall of Fame na kabilang siya sa mga finalist.
Sina Duncan at Garnett ay inaasahan naman na makakasama sa HOF class ngayong taon at sila ay parehong 15-time NBA All-Star maliban pa sa naging NBA season MVP at NBA champion.
Ang enshrinement ceremony ay gaganapin sa Springfield, Massachusetts at ito ay nakaiskedyul sa Agosto 29.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.