COVID-19 czar Galvez binanggit ang Quezon City dahil sa napakataas na kaso na pumalo na sa 439
BINANGGIT kagabi ni National Task Force (NTF) Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. ang Quezon City dahil sa napakataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) matapos namang pumalo ito sa 439.
“So, in here, more than 1,500 has been affected in NCR (National Capital Region (NCR) at nakikita natin Quezon City pa rin po ang napakataas with more than 6%, Manila, Makati, San Juan at nakikita po natin ang pinaka-less affected itong Navotas at saka Pateros at saka Malabon,” sabi ni Galvez sa kanyang kauna-unahang press conference.
Noong Miyerkules, iniulat ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na nasa 174 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod. Nangangahulugan ito na tumaas ng mahigit 250 porsiyento ang kaso ng deadly virus sa Quezon City sa loob lamang ng isang araw.
“Nakikita natin dito sa… more or less 2,600, ang nakikita natin na concentration pa rin ay nasa Manila area. Meaning, iyong nasa northern side hindi gaanong affected. Ang nakikita natin, ang affected is basically doon sa gitna, nandoon sa bandang area ng Quezon City, area ng Manila, Makati at saka sa San Juan. Iyan ang nakikita natin na mga top areas,” ayon pa kay Galvez.
Samantala, nakapagtala naman ng 178 kaso ng COVID-19 sa CALABARZON (Calamba, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) area, kung saan 10 ang nasawi.
“Meaning, ang nakikitang infection ay contagious doon sa mga areas na malapit sa Metro Manila. Nakikita natin na ang Region III with 65 cases and five deaths, and the next is iyong Region VII. Kung maaalala natin sa Region VII doon nagsimula iyong tracking ng first victim natin ng COVID,” dagdag ni Galvez.
Sinabi pa ni Galvez na tumataas na rin ang mga cases sa Region XI, Region VIII, Region II at Region VI.
“Sa BARMM mayroon na ring seven cases and then ang pinakanakita natin ang pinakamahina ay sa Region V, sa Region VIII and also in Region XII,” paliwanag pa ni Galvez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.