'Dear Program' ng FDCP magbibigay ng tulong sa mga taga-showbiz na nawalan ng trabaho | Bandera

‘Dear Program’ ng FDCP magbibigay ng tulong sa mga taga-showbiz na nawalan ng trabaho

Reggee Bonoan - April 02, 2020 - 10:43 AM

LIZA DIÑO

ISANG linggo na ang nakalilipas simula nang ilunsad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang Disaster/Emergency Assistance and Relief (DEAR) Program upang matulungan ang audio-visual (AV) content industry stakeholders na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

 Nang dahil sa sitwasyon ng COVID-19, ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon bilang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases related to COVID-19 at idineklara ang state of calamity sa buong bansa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Binuo ng FDCP, na nasa ilalim ng Office of the President, ang “DEAR Program” bilang agarang pagtugon sa COVID-19 na krisis. Isasakatuparan lamang ang DEAR kapag nagdeklara ng state of calamity ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas dahil may malubhang sakuna o emergency sa pampublikong kalusugan. Ang DEAR ACTION! at DEAR PRESS! ang dalawang programa sa ilalim ng DEAR.

Ang DEAR ACTION! (For Displaced Freelance AV Workers) ay inilunsad noong Marso 23. Layunin nitong magbigay ng P8,000 na tulong pinansyal sa freelance AV content industry members na biglaang nakansela o napatigil ang trabaho dahil sa sitwasyon ng COVID-19. Kabilang dito ang technical crew, production/post-production staff, mga on-camera performer tulad ng aktor, dubber, stunt people, at iba pang creatives na walang direktang employer, binabayaran ng “per day” basis, at hindi kwalipikado sa mga benepisyo mula sa gobyerno.

Noong Marso 30, sinimulan naman ng FDCP ang DEAR PRESS! (For Displaced Freelance Entertainment Press) para sa freelance entertainment press workers tulad ng editors, writers, at reporters na biglaang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. 

Ayon kay FDCP Chairperson at CEO Liza Diño, “Napaka-crucial ng role na ginagampanan ng entertainment press para buhayin at bigyang kulay ang ating showbiz industry. Sila ang tagapaghatid ng mga nangyayari sa loob at labas ng showbiz para sa ating mga audience.

“Unfortunately, they too, belong to the freelance sector and cannot be afforded unemployment benefits. So in line with DOLE’s CAMP Program which provides unemployment assistance for employees, FDCP has created DEAR ACTION! and DEAR PRESS! to support the freelancers who are not covered by the CAMP Program.”

Ang DEAR PRESS! Program coverage ay sa National Capital Region at para ito sa mga may “no work, no pay” status, hindi kaanib sa isang kumpanya, at hindi kwalipikadong tumanggap ng mga benepisyo mula sa kanilang lokal na pamahalaan at mga institusyon ng gobyerno gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Ang mga aprubadong DEAR PRESS! na aplikante ay makatatanggap ng P5,000 bilang tulong pinansyal mula sa FDCP para makatulong sa kanilang gastusin sa gitna ng pambansang state of calamity. Ang DEAR PRESS! application period ay mula Marso 30 hanggang Abril 30, 2020.

Heto ang DEAR PRESS! Program requirements:

1. Kinumpletong National Registry for Entertainment Press (NREP) at DEAR PRESS! Application Forms

2. Kahit na anong patunay ng kita (income tax return, payslips, vouchers, etc.) o Press ID

 

3. Certificate of Engagement mula sa publisher, editor, o media publication 

4. Kopya o link ng kahit isang pinakabagong published article tungkol sa Philippine Showbiz/Entertainment Industry (mula Enero 2020 hanggang Marso 2020) o kahit na anong published article tungkol sa isang press event na sponsored o sinuportahan ng FDCP (mula 2019 hanggang 2020)

 5. Ang mga aplikasyon ay kailangang ipadala online sa FDCP National Registry ([email protected]). Kapag naaprubahan ang aplikasyon, idedeposito ng FDCP personnel ang P5,000 sa bank account ng benepisyaryo o ipapadala ito sa pamamagitan ng money remittance service. 

Dahil ang DEAR fund ay pondo ng gobyerno para sa kapakanan ng mga benepisyaryo, kailangan ng mga aprubadong aplikante na gumawa ng return service sa diwa ng pagbibigay serbisyo sa komunidad at AV content industry. Ang mga DEAR PRESS! na benepisyaryo ay kailangang sumali sa dalawang (2) kaganapan, aktibidad, o proyektong pinamumunuan o sinusuportahan ng FDCP sa loob ng dalawang (2) taon simula ng pagtanggap ng DEAR PRESS! tulong pinansyal.

Samantala, ang mga miyembro ng entertainment press na apektado ng COVID-19 at kabilang sa payroll ng isang kumpanya (bilang regular, contractual, seasonal, o project-based na empleyado), ay maaaring sumangguni sa mga DOLE assistance program na COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD). 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa mga katanungan, makipag-ugnayan sa FDCP National Registry sa pamamagitan ng e-mail ([email protected]) o text messaging sa +63 917 800 3227.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending