Angel Locsin ibinubuwis din ang buhay sa bawat paghahatid ng tulong sa frontliners
GINISING kami ng mensahe mula sa isang kaibigan na pinik-ap daw ng isang blogsite ang sinulat namin dito tungkol kina Angel Locsin at Neil Arce.
Nag-react daw ang aktres dahil sa titulo ng aming kolum na “Magka-live in na ba sina Angel Locsin at Neil Arce?”
Tweet ni Angel, “Kaloka ‘yung headline n’yo. Di ba kayo nagre-research? Ikakasal kami. Magkapitbahay. Magkatabi ‘yung building sa iisang residential condo. Hindi ba binasa ng editor n’yo ‘yung sinulat bago nag-isip ng headline?”
Pasado alas-siyete ng gabi nitong Marso 31 nabasa ng aktres ang artikulo na ipinadala raw sa kanya at dahil sobrang pagod at antok na antok na kaya ganu’n ang reaksyon niya.
Kahapon ng bandang 10:30 a.m. ay tinext at humingi kami ng dispensa sa aktres. Tumawag siya sa amin ng 11:42 a.m. at panay ang hingi niya ng sorry sa amin dahil hindi niya alam na kami ang nagsulat.
“Ate Regs, sobrang sorry, sorry talaga hindi ko alam na ikaw pala nagsulat, ang ganda ng article, ‘yung title, e…sobrang pagod na ako, tapos pinasa sa akin, so alam mo ‘yung reaksyon ko? Sorry po talaga. Of all people ikaw pa naganyan ko, sensya po talaga,” pahayag ng aktres sa kabilang linya.
Sabi ko, naiintindihan namin siya dahil nga sa sobrang pagod dahil nababasa namin ang mga mensahe sa kanya sa Instagram na Luzon, Visayas at Mindanao na ang humihingi ng tulong sa kanya.
Sabi pa sa amin ni Angel, “Ate, buburahin ko na lang ang tweet ko, sorry talaga.”
Kami na ang nagsabi na huwag dahil ayaw naman namin siyang masabihang walang paninindigan, okay na rin iyon dahil at least na call ang atensyon namin.
Binanggit din namin sa kanya na kilala rin niya ang aming editor, “Pasensya po talaga, hindi ko alam,” sabi ulit ng aktres.
Samantala, kinumusta namin ang dalaga kasama na ang fiancé niyang si Neil — wala silang ginawa kundi tumulong at laging nasa labas. Wala man lang silang proteksyon sa katawan kundi face mask lang gayung palagi nilang nakakasalamuha ang mga frontliners sa iba’t ibang hospital, iba pa ‘yung mga ordinaryong tao na galing kung saan-saan.
“Oo nga po ate, may mga protective gear naman kami, kaso nakakahiya naman pong magsuot ng ganu’n tapos ang mga doktor wala kasi kulang talaga sila sa supplies. Doble ingat na lang po kami,” paliwanag ng aktres.
Biniro pa namin siya na baka magkasakit si Darna, natawa si Angel sabay sabing, “Hindi naman, naaawa kasi ako sa mga tao ate, kung ano lang kaya kong gawin talaga. Humihingi ako ng tulong sa lahat, donasyon para sa health workers natin.”
Sabi nila kapag tumulong ay hindi na dapat ipinamamalita, pero kailangan kasing ipakita at bidyuhan ni Angel ang lahat ng natatangap nilang tent, kama, matres, unan, aircondition at iba pa dahil galing ito sa donasyon at para nagpasalamat na rin.
As of March 29 ay umabot na sa 28 hospitals ang beneficiary ng #UniTENTWESTANDPH, ang kampanya para tumulong sa mga ospital.
Base sa post din ni Angel nitong Martes ng gabi bago siya matulog kung saan kinunan niya ang ipinadalang malalaking aircon mula sa Carrier na ikinabit na rin sa tent.
Ang caption niya, “We would also like to thank Carrier for donating 8 air conditioning units to #UniTENTweStandPH that will go with the tents to be donated to the Lung Center of the Philippines and PGH. Mabuhay po kayo at Maraming Salamat! @carrier
@dimplesromana @marevmatic2019 @gines.sarangaya @neil_arce.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.