Gusto mong maging ‘bayani’ sa gitna ng Covid-19 crisis? Maging ‘order hero’
NAIS mo rin bang maging “bayani” sa panahon ng krisis?
Sa isang simpleng pagtulong sa mga apektado ng COVID-19 pandemic, maaari ka nang tawaging “hero” dahil maliit man o malaki ang iyong nagagawa, ang mahalaga ay napagaan mo kahit papaano ang paghihirap ng iyong kapwa.
Kamakailan ay nag-viral ang mga litrato ng Grab Food driver na si Yenyen Catiloc na kumakain sa isang sidewalk.
Ayon sa kuwento, napilitan na lang siyang kainin ang kinanselang order ng kanyang customer mula sa isang kilalang fast food chain.
Naawa ang mga netizens sa driver kaya nakiusap sila sa mga umoorder sa mga online food delivery apps na isipin din nila ang hirap at sakripisyo ng mga rider bago mag-cancel ng order lalo na kung papunta na ang mga ito sa kanilang lugar.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinag-usapan sa social media ang ganitong sistema sa mga online food delivery, napakarami nang ganitong eksena na nag-viral sa internet pero mukhang wala pa ring pakialam ang ibang tao sa hirap at pagod na pinagdaraanan ng mga delivery driver.
Dahil dito, nakaisip ang ilang netizens ng paraan para makatulong sa kanila — ito ang bagong Facebook page na tinawag na “Order Hero” na siyang makakatuwang ng mga food delivery driver kapag kinansela ng customer ang order sa kanila.
Sa nasabing Facebook group, ang mga rider ng Grab Food, Foodpanda, Lalamove at Angkas Food ay maaaring mag-post ng cancelled orders na nais nilang maibenta sa iba. Dito na papasok ang mga “order hero” na interesadong bilhin ang mga cancelled orders.
Positibo ang reaksyon dito ng mga netizens dahil sa pamamagitan nga ng nasabing FB page, hindi na magwo-worry ang mga driver sa pagbabayad ng cancelled orders at hindi na rin nahirapan sa pag-place ng order ang mga nais magpabili ng pagkain.
Pero kung nais ninyong makilahok sa Order Hero Facebook group, siguraduhin n’yo muna na ang legitimate FB page nila ang inyong pupuntahan para hindi mabiktima ng mga poser at fake accounts.
May mahigit 3,000 members (at patuloy pang dumarami) na ang nasabing FB group na siya ring nagpa-trending ng hashtag #NoToCancelledOrders.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.