Mga dapat mong malaman tungkol sa iba’t ibang ‘state’ sa panahon ng Covid-19
STATE of Calamity? State of Public Health Emergency? State of National Emergency?
Ang dami namang deklarasyon ng gobyerno! Hindi ba kayo nalilito?
Ang tanong sa akin: Ano-ano ba talaga ang mga ito, attorney?!
Para labanan ang krisis ng coronavirus diseas o Covid-19, idineklara ni Pangulong Duterte ang Proclamation No. 922 noong Marso 8, 2020, kung saan inilagay ang buong Pilipinas sa “State of Public Health Emergency”.
Ang deklarasyon na ito ay para ipatupad ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” (RA 11322).
Ilan sa mga alituntunin ng RA 11322 ay ang magkaroon ng mandatory reporting at paglagay sa quarantine o isolation ng mga pasyenteng may sakit na Covid-19. Kasabay nito ang mandatory community quarantine sa buong Metro Manila.
Dahil patuloy pa rin ang paglaganap ng sakit, nagdeklara ang Pangulo noong Marso 16, 2020 ng Proclamation No. 922 kung saan nilagay ang buong Pilipinas sa “State of Calamity” na naaayon sa “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010” (RA 10121).
Ang National Government at ang mga Local Government Units (LGUs), dahil sa deklarasyon ng State of Calamity, ay nagkaroon ng pagkakataong gamitin ang kani-kanilang Quick Response Fund o Calamity Fund. Ang ibig sabihin nito, ang ating pamahalaan ay may pondong magagamit — bagamat tila hindi sapat — para labanan ang lumalalang sakit na COVID-19.
Bukod sa mga proklamasyon, inaprubahan din ng Kongreso ang certified urgent bill na “Bayanihan to Heal as One Act”. Sa pag-apruba nito, nagkaroon ng deklarasyon ang Kongreso ng existence of State of National Emergency para labanan ang COVID-19.
Ayon sa Article VI Section 23-2, sa panahon ng national emergency ay maaaring pahintulutan ng Kongreso ang Pangulo na gumamit ng mga kapangyarihan na ang layunin ay labanan ang crisis.
Sa “Bayanihan Heal as One Act” naglagay ang Kongreso ng mga provisions para ang kapangyarihang ito ay hindi maabuso. Nakalagay din dito na ang kapangyarihang ibinigay sa Pangulo ay epektibo lang ng tatlong buwan. Maaari rin itong bawiin ng Kongreso ano mang oras.
Ang susunod na “state” ay malakas na isisigaw ng taong bayan. Ito ay ang “State Free of COVID-19”, na minimithi ko at ng sambayanan na mangyayari sa madaling panahon.
Stay Home. Stay Safe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.