Ronnie Liang 5 years nang may dyowa; gustong magpakasal sa loob ng eroplano
BIBIDA ang singer na si Ronnie Liang sa pinakabagong movie project ni Direk Njel de Mesa, ang “Harang.” Nakapag-story conference na si Ronnie kasama ang ibang members ng cast.
Ang “Harang” ay tungkol sa tatlong musicians na “rumaraket” sa ibang events gaya ng wedding at sa wake. Si Ronnie ang lead star ng movie na magpapa-secret wedding.
Dahil may pa-secret wedding ang movie, biniro namin si Ronnie kung inspired ba ang kwento ng “Harang” kina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli.
“Uh, ‘Crash Landing.’ AshMatt ng Crash Landing,” biro ni Ronnie.
Isang army reservist ang role ni Ronnie sa movie. At tulad niya, army reservist din in real life si Matteo, “Si Matt naman, ranger siya. Kasi ako sa Regimen. So, mga tangke ‘yung sa akin, at mga eroplano. Sa branch ng army, it’s called Army Aviation.
“Mga helicopter, sa aircraft. Pero hindi naman necessary (may license as a pilot), kahit hindi ka piloto pwede namang mag-reservist. Kung ano ‘yung strength mo that you can contribute sa army. Halimbawa, doktor, pwede kang mag-reservist,” paliwanag ng binata.
Parehong kaibigan ni Ronnie ang mag-asawang Sarah at Matteo. Pero tinanong namin siya if there was a chance na niligawan niya si Sarah at ito lang ang naisagot niya, “Mabait kasi si Sarah. She’s very friendly.”
E, ang ina ni Sarah na si Mommy Divine na laging kasama noon ng Popstar Royalty? “Mabait naman si Mommy Divine. Nami-misinterpret lang siya.”
Grateful and honored naman si Ronnie sa pagkakataong makapagbidang muli sa pelikula. First time nagbida ang binata sa pelikula ni Direk Elwood Perez, ang “Esoterica.”
“Ang daming artista nowadays pero ngayon dumating sa akin. God’s perfect time. I don’t believe sa… ‘yung nali-late. Ganoon talaga,” aniya pa.
Sexy ang tema ng “Esoterica” at romcom naman ang “Harang.” So, hindi niya kailangang magpakita ng “skin” dito, “May pagka-sexy ang movie. Pero wala siyang.…hindi ina-approve ng Viva, from waistline paibaba (na ipakita). Yes, may limitations, ang Viva sa akin.
“(That was) During that time pero ngayon, for this movie, pinirmahan na nila, open for all. Kaya abangan ninyo, ‘Harang’ po, soon. Walang harang,” ngiti ni Ronnie.
Samantala, kakaibang fulfilmment naman para kay Ronnie ang pagpasok niya sa army, “Iba po kasi ‘yung pakiramdam na makapag-contribute ka sa bansa natin. And ‘yung talent natin naisi-share natin sa bansa. Purely service talaga ‘to. And mas lalong tumaas ang respeto ko sa mga sundalo.”
Binanggit din niya sa amin ang dahilan kung bakit siya pumasok sa military, “Well, it started during the Marawi siege. Doon na nag-apoy. Gusto kong mag-volunteer noon. Kahit kantahan ko lang ‘yung mga evacuees or tulungan ‘yung mga sundalo na mag-distribute ng mga pagkain sa kanila. But I don’t know how. Hindi ko alam kung paano noon, e.
“Hanggang may event ang army and nandoon ‘yung major, kapitan ng army, nag-show. Mga 2018 pa ‘yun. Then, 2019, gumana ‘yung papers ko. Nag-start na rin ako doon. Ngayon na lang siya na-news.
“Kasi nga, habang nagpi-piloto ako, secretly inaano ko siya. Baka hindi po ako pumasa kasi. Ha-hahaha! Kaya hindi ko pa sinasabi. Kahit yung pagpi-piloto, wala pa akong sinabihan kasi baka hindi ako payagang makapagpalipad. Baka bumagsak ako sa written, and simulator exam. But God is good,” aniya pa.
Halos lahat ng celebrities na kaedad niya ay nag-asawa na, kailan naman kaya siya lalagay sa tahimik? “Sure ba kayo na single pa ako? Ha-hahaha! Biro lang po.”
Seriously, okey naman daw nag lovelife ni Ronnie. More than five years na sila ng non-showbiz girlfriend niya na nagtatrabaho sa ibang bansa. Ibig sabihin, LDR ang status nila ngayon.
May plano naman daw sila na magpakasal, “And I can say yes, she’s the one. I believe so.”
Kung may dream wedding siya, ano kaya ‘yun? “Ako, sa eroplano, ‘di ba? Payag naman ang magiging wife ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.