Pagpapalaki sa mga batang may takot sa Diyos, posible pa ba?
KUNG isang malaking hamon para sa mga magulang ang pagdidisiplina at pagpapalaki sa kanilang mga anak upang maging mabuting mga mamamayan, paano naman kaya ito hinaharap ng mga magulang na OFWs lalo pa’t malayo sila at hindi nila kasama ang kanilang mga anak araw-araw?
Sabagay, malayang nagagawa na kasi ngayon ng maraming mga kabataan ang bawat naisin nila sa kabila ng mga disiplina at paghihigpit ng kanilang mga magulang.
Napakalaking impluwensiya ng modern technology lalo pa’t mulat na mulat ang mga bata ngayon sa paggamit ng makabagong mga gadget at aktibo pa sa iba’t ibang platform ng social media.
Sa katatapos na dedication program o pag-aalay ng pinakabago at pinakamalaking Kingdom Hall sa Pasig City (ito ang katawagan sa lugar ng pagsamba) ng mga Jehovah’s Witnesses, na dinaluhan nina Denton Hopkinson mula sa Watchtower Philippines, Pasig Representative Roman Romulo at mga lokal pang opisyal ng lungsod, sumentro sa pagsusulong ng kabutihang asal at pagsasanay sa mga anak ang naging tema ng mini-presscon na ginanap doon kasama ng ilang mga kinatawan ng media.
Si Rep. Romulo, chairperson ng komite ng basic education and culture sa Kamara, ang nagsulong ng GMRC bill o ang Good Manners and Right Conduct bill na parehong aprubado na pati sa Senado at pirma na lamang ng Pangulo ang hinihintay upang tuluyan na itong maging batas.
Ayon kay Romulo, kinikilala at pinapupurihan niya ang ginagawang pagbabahay-bahay ng mga Jehovah’s Witnesses hinggil sa pagtuturo nila ng kabutihang asal at kung paano magkaroon at mapanatili ang mataas na moralidad ng kanilang mga mamamayan.
Napakalaking tulong sa komunidad ang ginagawa ng mga JWs at itinuturing niyang katuwang sila sa pagsusulong at pagbabalik ng mabuting asal lalo na sa mga kabataan.
Binanggit din niya ang praktikal na tulong ng mga JWs sa panahon ng mga disaster, kung saan araw-araw silang nakakadalaw sa mga tao.
At napakalaking bagay iyon para sa mga opisyal ng pamahalaan na makatuwang nila. Kaya’t napapanahon na umanong maisabatas ang GMRC bill na hinihintay na lamang ni Romulo at mga kasamahang mambabatas upang agad maipatupad ito.
Samantala, ayon naman kay Hopkinson, ang mga kingdom hall ng mga Jehovah’s Witnesses sa buong daigdig ay naitatayo sa pamamagitan ng boluntaryong tulong ng mga miyembro nito, walang ibang organisasyon na nagpopondo at nilalapitan nila upang maitayo ang kanilang lugar ng pagsamba at ang mga nakikibahagi naman sa construction ay mga volunteers at walang bayad na nagseserbisyo at nagbibigay ng kanilang panahon nang dahil sa kanilang pag-ibig sa kanilang mga kapwa kapatid at mga tao na maaaring maimbitahang dumalo sa kanilang mga pagpupulong.
Dumalo din sa naturang okasyon sina City Councilors Junjun Concepcion, Bing Avis at Rhichie Brown kasama si Chairman Rey de Jesus ng Barangay Caniogan. Ayon kay Nefee Castiyo ng Sakto News, may apat na pulong sa wikang Tagalog, isang Hiligaynon (Ilonggo) at isa naman sa wikang Iloko. Nasa Brgy. Maybunga naman ang para sa mga Cebuano. Libre ang mga sesyon at imbitado ang sinumang interesadong dumalo.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM at napapanood sa Inquirer Television (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.