Diborsyo kina Maria, Jose | Bandera

Diborsyo kina Maria, Jose

Lito Bautista - March 13, 2020 - 12:15 AM

HUWAG manghusga. Di lahat diborsyo ang lunas. Baka ang kailangan lang ay konting habag at hindi babag. Huwag humatol para di hatulan. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dn 9:4-10; Sal 79:8-9, 11, 13; Lc 6:36-38) sa Kapistahan ni Santa Francisca Romana, Lunes sa ikalawang linggo ng kuwaresma.
***
Bakit walang politiko o mayamang Katoliko ang tumulad sa payak na buhay at tapat na pagmamahalan nina San Jose at Birhen Maria? Dahil ba wala na silang paggalang sa makalangit at malinis? Pero sa aba ay marami pa rin ang tumutulad kina Jose at Maria. Isa na ang mga magulang ng kura ng isang pambansang dambana, na kilala sa buong mundo, sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Ang pagmamahalan nila ay wagas dahil nang bawiin ang hiram na buhay ni Teresa noong Agosto ay itinakda naman si Francisco noong Nobyembre ng sukob na taon. Ilog ang luha pero ang anak na pari ay nalugod sa pasya ng Divino Berbo.
***
Mahirap bang tularan ng mag-asawa ang mahusay na pagsasama nina Jose at Maria, kaya’t ang bawat mahal na grasya ay di lumayo sa dalawang banal? “Nguni’t ang palaaway, mapagtalo gabi’t araw, punong kinapopootan, tuloy ikinapaparam, grasyang kamahal-mahalan.” Bakit ayaw tularan, ang simpleng panuntunan, nina Jose at Maria; ang maging sunud-sunuran sa isa’t isa at ang palaging pagbibigayan para sa matimtimang tahanan? Kapag pinairal ang asal, di nga matatamo ang tuwa ng Paraiso.
***
Paano didiborsyohin ang kasal sa banig, na siyang talamak na kasunduan ngayon, lalo na sa resettlement areas at iskwater? Sa mga bundok ng Sierra Madre, kabilang na ang Dona Remedios Trinidad, Bulacan, umiiral ang kasal sa riple (M16), madali ang hiwalayan at pinapayagan ang ikalawa, ikatlo, ikaapat, atbp, na kasal sa riple kapag itinaas na ni kumander ang nakakuyom na kamao, sa saliw ng Internationale.
***
“Everyone deserves another chance in pursuing a life of their own,” anang mambabatas na atat na sa divorce. Marami namang pagkakataon sa buhay. Sa malayang pamumuhay na iginawad at kinikilala ng simbahan, puwede ang dalawa, tatlo, apat…10, 11,12… diborsyo. Masaya ka na dahil nakarami ng diborsyo? Naging ganid sa diborsyo? Anong katinuan at moralidad ang ipapamana sa mga bata, ang tutularan ng balana? Sa pagdinig sa Kamara, niluto ang putahe: isa lang (daw) ang kinumbidang grupo na tutol. Mahigit 10,000 ang grupo sa simbahang Katolika na ayaw sa diborsyo. Lutong macau. Putaheng laman.
***
Mas malaya ang mga patakaran sa diborsyo noong panahon nina Jose at Maria, sa ilalim ng batas at Bibliang Hebreo. Pero, mas pinili ng dalawang banal ang mamuhay sa lilim ng tunay at banal na pagmamahalan. Nang malaman ni Jose na buntis na si Maria gayung hindi pa niya ito sinisipingan, hindi diborsyo ang binalak ng anluwagi, kundi ang layuan na lamang siya para iwasan ang kahihiyan (pero namagitan ang anghel sa panaginip). Hayan ang iningatang pag-ibig.
***
Ang binabalangkas na mga batayan ng absolute divorce:
• Kung ang mag-asawa ay hiwalay na ng limang taon. Mga taon nang hiwalay? Sanlinggo nga lang yan sa iskwater at resettlement areas.
• Psychological incapacity. Kathang isip lang yan sa iskwater at resettlement areas. Eksperto sa ganyang drawing ang mga abogado.
-o-o-
• Nagpalit ng ari si lalaki at naging vagina. Ma-Pa yan sa iskwater at resettlement areas.
• Irreconcilable differences. Hiwalay agad yan sa iskwater at resettlemt areas. Hindi naman sila kasal, nu.
• Nakakuha ng foreign divorce. Walang ganyan sa iskwater at resettlement areas.
• Ang kasal ay ipinawalang bisa ng simbahan, sekta o denominasyon. Kasal banig nga, kaya walang kasal na lulusawin.
• Bugbugan. Sa iskwater at resettlement areas, ora mismo o bukas na bukas din, hiwalay na. Wala pang gastos.
***
“A six-month mandatory cooling-off period is required after a petition for divorce has been filed.” Ang tagal naman. Di na makapaghihintay ang na-trauma sa iskwater at resettlement areas. Ang ipinakikita nito ay umalis na sa kabanalan ang nagsasama; o kundi’y nagkulang ang simbahan sa pagpapastol. O kundi’y mas pinili nila ang pagsasama na nais ng demonyo. Malaya sila at ipinauubaya rin ng Diyos ang ganyang kalayaan, basta hapi sila.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Panginay, Balagtas, Bulacan): Pinaghandaan ba ang pagtanda? Sa talakayan, may mga hindi naghanda dahil malayo pa raw ang edad-60; o kundi’y walang kakayahan dahil dukha lang; o kundi’y bahala na si batman. Ang kalagitnaang edad ay 30-35; 40 kung tatawad dahil aabot pa raw sila ng 80. Iniasa naman ang bukas sa anak, na nang tumanda ay nagkahiwalay naman sila ng landas; kaya kabilang siya sa SoLo (Solong Lolo). O SoLa. Masakit ang pagtanda kung walang pera. Mas masakit kung iniwan na ang Diyos at iniwan na rin siya ng Diyos dahil sa kalayaang pinili.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Longos, Balagtas, Bulacan): Mahirap ang buhay. Napakahirap pa nga raw. Kung mahirap at napakahirap, bakit buhay pa? Nakayayao’t nasa mall pa, kahit nagsalo lamang sa budget meal ang dalawa. Kung kayang tugunan ang kahirapan at nakagagawa pa ng paraan nang walang nilalabag na batas ng tao’t Diyos, ang tawag diyan ay improvement. Hindi porke’t mahirap ay tatanggapin na lang ang dumadaang lugmok. Hindi hard life yan; baka tough life. Sa tough life, diyan nakararaos ang Pinoy.
***
PANALANGIN: Santa Maria, ingatan mo ang aking pamilya. Ipagsanggalang kami sa mga kalaban. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Kung ako yung guwardiya ng Greenhills, gagawin ko rin iyon. Wala na bang karapatan ang guwardiya na magsalita sa publiko? …3289, Rimando High School, Maco, Davao de Oro.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending