Osang ayaw nang pumunta sa Canada; natakot sa ‘corona’
HINDI itutuloy ni Rosanna Roces ang biyahe niya patungong Canada sa Abril 15 dahil sa paglaganap ng coronavirus (COVID-19).
“Postponed muna ang Canada trip namin next month, ayaw din kasi kaming paalisin ng mga bossing (ABS-CBN), maka-quarantine din kasi pag-uwi. Paano nga naman ang show?” pahayag ng aktres.
Dadalo si Rosanna sa film showing ng pelikula niyang “Guro” na naibenta niya sa nasabing bansa, “’Yung ipinrodyus kong pelikula nabenta ko doon (sabay pakita ng poster ng pelikula),” saad pa ng aktres.
Si Neal Tan ang direktor ng pelikula at si Osang ang bida na ipinanood sa mga eskuwelahan sa probinsya. Kasama rin sa movie sina Bembol Rocco, Tessie Tomas, Marita Zobel, Daria Ramirez, Ina Feleo, Lemuelle Pelayo, Kirby Zamora at Anita Linda.
Base sa trailer, isang guro ang karakter ni Rosanna na laging napapatawag ng principal dahil ang trabaho niya bilang maestra ay dapat hanggang eskuwelahan lang. Pero may estudyante siyang minamaltrato ng lola na nagpalaki kaya niya pinagsasabihan at dito nagalit ang agwela ng bagets.
Katwiran ng guro, kailan siya kikilos, kapag malala na ang sitwasyon. Bukod dito ay may personal na problema rin ang guro tungkol sa mga papeles niya na nasilip din ng principal na kailangan niyang ayusin.
Samantala, nabanggit din ni Osang na gumaganap na Elena sa teleseryeng Pamilya Ko na aabutin pa sila hanggang Mayo dahil maganda pa rin ang feedback mula sa viewers bukod pa sa mataas ang rating nito.
Ibinalik ang karakter niya sa serye para mas uminit pa ang kuwento nilang tatlo nina Luz (Sylvia Sanchez) at Loida (Irma Adlawan) nang dahil kay Chico (JM de Guzman).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.