MAGBABALIK-TANAW ang Philippine Basketball Association (PBA) habang nakatutok sa mas magandang panahon na darating sa pagbubukas ng ika-45 season ng pro league sa Smart Araneta Coliseum ngayong Linggo, Marso 8.
Ang 12 PBA member ballclub pati na rin ang iba pang bumubuo sa liga ngayong ay magbibigay pugay sa siyam na orihinal na koponan na noong 1975 ay kumalas mula sa amateur ranks para ilatag ang pundasyon ng pinaka-unang pro league sa Asya.
Sisimulan ng Leo Awards, ang taunang season-end awards ceremony ng liga, ang pagbubukas ng PBA na katatampukan ng pambungad na laro sa pagitan ng reigning five-time Philippine Cup champion San Miguel Beermen kontra 2018 at 2019 runner-up Magnolia Hotshots.
Bagamat hindi makakasama ng Beermen ang pangunahing manlalaro nito na si June Mar Fajardo pinapaboran pa rin sila na lalaban sa korona habang ang Hotshots ay pursigido naman na umangat patungo sa itaas.
Subalit ang Beermen, Hotshots at ang iba pang PBA teams ay magbibigay daan muna para sa mga tatanghaling pinakamahuhusay na manlalaro sa nagdaang season.
Si Fajardo ang pinapaborang kukuha ng Season 44 Most Valuable Player (MVP) trophy sa Leo Awards habang inaasahang makakasama niya sa Mythical First Five sina CJ Perez, Jayson Castro, Christian Standhardinger, Sean Anthony o Japeth Aguilar. Si Perez ay ang napipisil naman mag-uuwi ng Rookie of the Year award.
Aaarangkada naman ang seremonya ng Season 45 opening na may temang “Tayo ang Bida!”
Dito na magpupugay ang mga kasalukuyang hardcourt heroes sa mga orihinal na bayani ng liga — ang siyam na ballclubs na bumuo sa PBA 45 taon na ang nakalipas noong 1975.
Kabilang sa mga pararangalan ay ang mga miyembro ng unang PBA Board of Governors ng liga na kinabibilangan ng pangulo nito na si Emerson Coseteng (Mariwasa), Walter Euyang (Universal Textile), Domingo Itchon (Elizalde and Co., Inc.), Leonardo “Skip” Guinto (San Miguel Corporation), Jose “Dondo” Lim III (Concepcion Industries, Inc.), Enrico Villaflor (Seven-Up Bottling Company), Porfirio Zablan (CFC Corp.), Pablo Carlos (Delta Motor Corp.) and Valeriano “Danny” Floro (P. Floro and Sons) at founding commissioner Leo Prieto.
Kasama naman sa mga koponan na kikilalanin ay ang Toyota, Crispa, U-Tex, Mariwasa, Concepcion Industries, Royal Tru-Orange (San Miguel Corp.), Tanduay (Yco), Presto (Consolidated Corp.) at Seven-Up.
Irerepresenta naman ang mga ito nina dating Senador Nikki Coseteng, Renato Salud, Gil Fortes, Arturo Valenzona, Pasig City Vice Mayor Yoyong Martirez, Orly Castelo, Jimmy Mariano, Atoy Co at LA Mumar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.