NAKAMIT ni Jan Paul Morales ng Standard Insurance-Navy ang ikalawang sunod na stage victory habang pinatatag ng kakamping si George Oconer ang kapit sa solo liderato matapos ang Stage Seven ng LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race Linggo ng umaga sa Palayan City, Nueva Ecija.
Iniwanan ng 34-anyos na si Morales, ang 2016 at 2017 champion, sina Dominic Perez ng Bicycology-Army at Rustom Lim ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines sa isang dikdikang mass finish para makuha ang ikalawang stage win sa loob ng dalawang oras, 35 minuto at 20 segundo sa 110.6 kilometrong lap na nagsimula sa Tarlac City at nagtapos sa Palayan City.
Bunga ng panalo, pinatatag din ni Morales ang hawak sa CCN sprint race sa 10-stage race na hatid ng LBC at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
Sinalubong naman si Morales at ang ibang kalahok sa Ronda ng malaking grupo ng local riders at mga manonood na kinabibilangan ni host Mayor Adrianne Mae Cuevas, na lumahok sa Ronda bilang isa sa mga sponsors at nagbigay din P100,000 para sa kampanya ng Team Nueva Ecija dito.
Ito naman ang ikalawang stage win ng tubong-Calumpang, Marikina na nagwagi sa Tarlac-Tarlac Stage Six nitong Sabado.
Nakasama rin si Oconer sa grupo na naunang dumating sa finish line para mapanatili ang kapit sa individual general classification lead sa kanyang natipong kabuuang oras na 23:04:31.
Kaya naman patuloy na susuotin ng 28-anyos na si Oconer ang LBC red jersey sa ikalawang sunod na araw sa 170km Stage Eight kung saan tatahakin nila ang matarik na akyatan patungo ng Baguio City.
Nakabuntot naman kay Oconer, ang 2015 runner-up, ang mga kakamping sina 2018 Ronda king Ronald Oranza (23:05:46), Ronald Lomotos (23:05:49), John Mark Camingao (23:06:24), Junrey Navarra (23:06:48) at El Joshua Carino (23:08:22).
Kabilang din sa top 10 sina Mark Julius Bordeos ng Bicycology-Army (23:09:45), Rustom Lim ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines (23:09:47) at Go for Gold riders Jonel Carcueva (23:09:59) at Ismael Grospe, Jr. (23:10:19).
Nasiguro naman ng Standard Insurance-Navy ang pagwawagi sa team race na natipong 92:18:09 kasunod ng Go for Gold (92:41:49) at Bicycology-Army (92:43:28) sa event na suportado rin ng Palayan, Nueva Ecija, Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.