NAPAKARAMING nagulat noong Sabado nang isiwalat ng Honda Cars Philippines Inc. (HCPI) na isasara na nila ang assembly plant nila sa Sta. Rosa, Laguna.
Sa kasalukuyan ay abala ang mga opisyal ng HCPI sa exit strategy nila sa assembly business, kasama na rito ang pakikipag-usap sa labor union kung ano ang separation package na kaya ibigay sa kanila ng Honda.
Hindi ibig sabihin nito ay mawawala na ang Honda sa Pilipinas. Hihinto lang ang paggawa ng BR-V at City sa bansa. Sa halip ay import na lamang ang mga kotse ng Honda.
Hindi rin mawawala ang mga iba pang kotse ng Honda maging ang mga dealers nito dahil tuloy ang negosyo nila sa bansa.
Pero bakit nagsara ng planta ang Honda?
Ang official line ay dahil sobrang baba na ng benta ng mga kotseng ginagawa rito na hindi na siya viable business.
Pero maraming bagay na nakakabit sa dahilang ito. Una na ang mahal na kuryente, kasama pa na mataas na buwis sa mga parts ng ginagawang kotse dito. Idagdag mo na rin ang labor situation sa bansa kung saan pag napasok ng militanteng grupo ay unreasonable na ang demands ng mga ito.
Nariyan din yung dahilang mas mura mag-import ng kotse kaysa gagawin dito at kumpleto na ang recipe for disaster mo sa car assembly industry.
Nagsimula yan nang umatras ang General Motors noong 2007 na sinundan ng Ford ilang taon pa. Ngayon nadidinig na rin natin na maaaring pati ang Nissan ay humirit na rin ng assembly day bansa.
Sa totoo lang, kung import ang mga Japanese at Korean cars o mga gawa sa Thailand at China, mas di hamak na mura ito kaysa gawin sa bansa.
Wala tayong maayos na parts manufacturer industry na maaaring tumapat sa Thailand o sa India. Ang mga assembled na kotse rito, kahit ang Toyota, ay umaasa pa rin sa mga imported na piyesa, tulad ng clutch, brakes, stereos, aircondition, makina at transmission, at iba pa.
Dahil imported pero limited ang volume, mahal ang mga piyesang ito. Idagdag mo pa ang labor, utilities, taxes at management cost at lalabas na mas mahal ito gawin sa Pilipinas.
Kung sana ang gobyerno at mga mambabatas ay bumalangkas ng mga batas at polisiya para matulungan ang paglago ng car industry sa bansa.
Simpleng tax breaks, mga aids sa parts manufacturer, ang pagtulak sa steel plants at rubber mills.
Malaki ang magagawa nito dahil ito ang ginawa ng Thailand nang itayo nila ang automotive center nila sa Rayong. Ito rin ang ginagawa ng India. Kasama na rito ang mapayapang labor situation doon kaya’t mas nais ng carmakers na doon na lang sila.
Sayang dahil may panahon na, parang call center, tayo ang paboritong business center sa Asia. Ngayon unti-unti na silang nawawala.
***
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected]. Maari ring mag-text sa 09989558253.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.