'Buti pa ang BIR, may balls para ipagtanggol ang ABS-CBN' | Bandera

‘Buti pa ang BIR, may balls para ipagtanggol ang ABS-CBN’

Ronnie Carrasco III - February 27, 2020 - 12:25 AM

MABUTI pa ang BIR (ahensiya sa ilalim ng Department of Finance), may bayag na kontrahin ang paratang ng pamahalaan na umano’y may unpaid taxes ang nanganganib na mawalan ng prangkisa sa industriya ng telekomunikasyon, ang ABS-CBN.

Mismong ang tao roon na may mataas na katungkulan ang naglinaw na walang tax issues ang network, bagay na isa sa mga ibinubutas ng gobyerno.

At kung ganyang “pahiya” ang mga tao sa likod ng “pangha-harass” sa istasyon, it’s about time some people hatched another plausible scheme.

Isang bagay lang ang inaalmahan ng hanay ng mga tagapag-ulat: ang gag order sa mga nagbibigay ng kanilang opinyon tungkol sa franchise renewal. Pagkitil na kasi ito sa malayang pamamahayag na esensya ng isang tunay na demokratikong lipunan.

Bumabalik tayo sa Dark Ages noong rehimeng Marcos na sinaklawan ang anumang paraan ng pagtatawid-impormasyon sa publiko.

Kaming mga isinilang na noon pero wala pa sa mundong kasalukuyan naming ginagalawan ay mulat sa katotohanang ‘yon base sa mga kuwentong aming natitisod.

Tama nang minsan na nating pinagdaanan ang madilim na yugtong ‘yon sa ating kasaysayan never to relive it sa panahon ngayon.

Masyado at sunud-sunod na ang mga pasakit dulot ng kasalukuyang pamunuan. Mula sa kawalan ng pokus sa mga mahahalagang usapin hanggang sa ‘di pagsuheto sa mga elementong dapat nang kalusin.

Five days ago ay nagkaroon ng mala-People People ang sambayanan na nilahukan ng mga nagmamalasakit na kababayan sa katayuan ng bansa.

Siyempre, nagpaka-devil’s advocate ang karamihan sa mga DDS, wala rin daw mangyayari sa pag-aaklas ng mga tinaguriang Dilawan.

‘Yun din naman ang persepsiyon noong unang People Power which ousted the Marcoses. Pero nakiayon ang milyun-milyong Pilipino, and the rest—as the cliché goes—is history.

Nakuha sa kawalan ng dahas ang transisyon ng kapangyarihan, higit lalo ng taimtim na dasal na umabot hanggang itaas, at nangyari nga ang dapat mangyari.

Ito ba ang uri ng pag-oopinyon na ayaw marinig ng ilang mga opisyal ng pamahalaan? Anumang pangyayari o kaganapan mula sa objective na pananaw ng tao, kailanma’y may kakambal na reaksiyon o kuro-kuro.

Sa isang maselan at sensitibong ongoing legal case lang (sa aming pagkakaalam) mahigpit na ipinagbabawal ang pag-oopinyon kundi subjudice ang kalalabasan.

Bago ang itinakdang araw ay malayo pa ang lalakbayin ng isyung pag-e-extend muli ng prangkisa sa ABS-CBN. Marami pa ang magbibigay ng kanilang mga kuro-kuro, kundi man may kasamang pressure sa gobyerno na magdahan-dahan sa mga hakbang nito.

The Filipinos’ overwhelming clamor is what’s taking this administration to the edge of its seat. Mas marami kasi ang kontra sa nais nitong mangyari.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Since nagsalita na ang BIR, wonder kung anong bagong istratehiya ang niluluto ng mga anti-ABS-CBN.

Huwag sanang sumablay na naman dahil masyado nang napaghahalata ang kalabnawan ng kanilang argumento.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending