Shanti Dope mas naging maingat sa paggawa ng kanta dahil sa PDEA
MAS maingat na ngayon sa pagsusulat ng kanta ang Pinoy rapper na si Shanti Dope matapos mapag-initan noon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hit song niyang “Amatz.”
Naging maingay ang pangalan ni Shanti nang ipa-ban ng PDEA ang nasabing kanta dahil sa umano’y tema at mensahe nito na tila may konek sa paggamit ng ilegal na droga.
Ayon pa nga kay PDEA Director Gen. Aaron Aquino, sana’y makagawa naman si Shanti (Sean Patrick Ramos sa tunay na buhay) ng kanta na susuporta sa anti-drug campaign ng gobyerno para na rin sa kapakanan ng mga kabataan.
Sa nakaraang presscon ng Padi’s Barkada Tour kung saan magsasanib-pwersa sina Shanti at Gloc 9, sinabi ng nakababatang rapper na excited siyang i-share ang mga bago niyang songs sa madlang pipol.
“Marami akong ipinagpapasalamat this year. Una dahil buhay pa ako, thankful ako sa mga dumarating at saka sa mga blessings at sa lahat.
“Na-excite na rin ako mag-perform ng bagong kanta ngayon kasi nung nakaraan medyo paulit ulit yung set so nakaka-inspire ng magdagdag ng mga bagong kanta kada gig,” pahayag ni Shanti sa presscon na ginanap sa Padi’s Point SM North Edsa.
Dito na nga niya inamin na kahit paano’y naapektuhan siya ng issue sa PDEA pero hindi naman daw ito nakasira sa diskarte niya bilang singer-songwriter. Aniya, mas naging maingat lang siya at sensitive sa mga bago niyang composition.
“Gawa rin naman ako nang gawa, nakatabi lang at saka nag-aantay lang rin ako ng tamang beat at tamang timing ng pag-release kasi feeling ko lahat ng kada kanta may tamang timing ng pag-release.
“Nagiging maingat na lang din ako sa sasabihin ko sa simpleng term kasi hindi naman lahat maiintindihan. Iniisip ko rin ano pagtanggap ng tao pag narinig nila. Kumbaga para sa akin, hangga’t maaari, yung kanta ko dapat naiintindihan ng lahat.
“Kumbaga walang matatamaan, kumbaga yung totoong nangyayari lang at hangga’t maaari lalo na pag social topic, mas okay siguro kung tatalakayin yung positive at saka negative side para balanse siya. Kasi ang daming tengang sensitibo sa mga ganu’n,” paliwanag ng binata.
Samantala, super excited na si Shanti sa collaboration nila ng kanyang mentor na si Gloc 9 sa Padis Point Bar Tour, “Nagkakapalitan kami ng kaalaman tungkol sa industriya ngayon. Kumbaga nagiging balance yung nangyayari.
“Enjoy palagi kasi parang nagsisimula ka pa rin kinakabahan ka pero enjoy lang kasi tulad ng sabi ni sir Gloc 9 sobrang solid ng pagtanggap ng tao. Du’n pa lang, sobrang thankful na rin ako. Isa siyang karangalan,” aniya pa.
Makakasama rin sa nasabing bar tour sina R&B singer JKris, rap-acoustic princess Lirah at Sandiwa brand. Magsisimula ang event ngayong buwan hanggang June, 2020. Sa Feb. 29 ang unang pasabog sa Biñan, Laguna na susundan sa March 21 sa Padi’s Baguio. For complete schedule, visit www.padispoint.com at sa Facebook (padispointofficial).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.