Matteo kinontra ang blotter ng pulisya: Wala akong sinuntok
MARIING dinenay ng Kapamilya actor na si Matteo Guidicelli na may sinuntok siyang bodyguard ni Sarah Geronimo habang ginaganap ang kanilang civil wedding last Thursday.
Mainit pa ring pinag-uusapan ngayon ang naganap na secret wedding nina Sarah at Matteo sa Shangri-La Hotel sa Bonifacio Global City nitong nakaraang Huwebes ng gabi kung saan balitang sumugod ang ina ng Popstar Royalty na si Mommy Divine.
Hindi umano imbitado ang magulang ni Sarah sa kasal ng anak pero nalaman nito ang tungkol dito matapos umanong magsumbong sa kanya ang isang close in security ng anak na si Jerry Tamara.
Ito umano ang dahilan kung bakit sinuntok siya ni Matteo. Ayon sa blotter ng pulisya, nagharap sina Matteo at Tamara sa venue ng wedding at dito nga raw sinapak ng aktor sa leeg ang bodyguard ng kanyang asawa.
Pero ayon sa mga pulis na tumanggap sa reklamo ni Tamara, hindi naman daw ito nagsampa ng pormal na reklamo laban kay Matteo.
Sa panayam naman ng ABS-CBN News kay Matteo, mariin nitong pinabulaanan na wala siya sinasaktang tao tulad ng sinasabi ni Tamara.
“Wala akong sinuntok,” maikling pahayag ni Matteo. Kasabay nito, nagpasalamat din ang aktor sa lahat ng nag-congratulate sa pagpapakasal nila ni Sarah.
Matagal nang napapabalita na ayaw ng magulang ni Sarah kay Matteo at kontrang-kotra umano ang mga ito sa kanilang pagpapakasal.
Matapos namang ibandera ng AshMatt ang kanilang engagement last year, nag-post si Matteo sa Instagram ng mahabang mensahe para kina Mommy Divine at Daddy Delfin. Dito humingi siya ng paumanhin sa mga hindi nila pagkakaintindihan kasabay ng pangakong mamahalin at aalagaan niya si Sarah.
“Mahal na mahal ko po si Sarah. Mahal ko din po kayung magulang nya at mga kapatid nya. Hangad ko po na maging isang pamilya tayo. Pangako ko po na aalagan ko si Sarah na kapareho ng pangangalaga nyo sa kanya,” bahagi ng IG post ni Matteo para sa parents ni Sarah G.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.