MATTEO NANAPAK DAW HABANG GINAGANAP ANG CIVIL WEDDING NILA NI SARAH
NAGTE-TAPING ng The Voice Teens si Sarah Geronimo kahapon, Peb. 20 sa ABS-CBN studio nang kumalat ang balitang ikakasal na siya kay Matteo Guidicelli kinagabihan.
Kinunan ng blogger na si Michael Louie Almacen ang dressing room ni Sarah na may caption, “Taping po si Sarah Geronimo ng preparation for Battles ng The Voice Teens today #TheVoiceTeens #Wedding.”
Inilabas din ng ilang staff ng The Voice Teens ang video habang naghahanda si Sarah sa loob ng studio at naghahanda na sa pagpasok sa loob sabay sabi pa ng “good morning.” Maagang natapos ang taping ng TVT kaya agad na umalis ang singer-actress.
‘Yun pala, dumiretso na ito sa civil wedding nila ni Matteo na ginanap sa Shangri-La Hotel sa The Fort, Bonifacio Global City.
Nabuking ang kasalan ng Kapamilay couple nang magpa-blotter ang isa sa close-in bodyguard ni Sarah matapos umanong suntukin ni Matteo.
Base sa report, ipina-blotter ni Jerry Tamara si Matteo kaninang madaling-araw sa Police Community Precinct No. 7 sa Taguig, pero wala pang pormal na kasong isinasampa laban sa aktor.
Ayon sa kuwento ni Tamara, naganap ang insidente habang ginaganap ang civil wedding rites ng celebrity couple. Bigla na lang daw siyang inupakan ni Matteo nang malaman nitong siya ang nagsabi sa nanay ni Sarah na si Mommy Divine kung saan at anong oras magaganap ang kasal.
Hindi raw inaasahan ng aktor na darating ang ina ng Popstar Royalty. Dumating daw sa venue ng wedding si Mommy Divine para kausapin ang anak dahil hindi nga raw sila nasabihan tungkol sa pagpapakasal nito.
Bukas ang pahinang ito sa paliwanag nina Matteo at Sarah pati na rin sa official statement ni Mommy Divine hinggil sa nasabing isyu. Pero isa lang ang sigurado, mag-asawa na nga ang Kapamilya showbiz couple at wala nang nagawa ang mga magulang ng aktres-singer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.