4 malaking sasakyan nag-karambola: 1 patay, di bababa sa 2 sugatan
ISANG tao ang nasawi at di bababa sa dalawa ang nasugatan nang mag-karambola ang apat na malaking sasakyan sa Del Gallego, Camarines Sur, Miyerkules ng umaga.
Nasawi si Lorenzo Alinsub, 49, ng Muntinlupa City, driver ng pa-timog na Silverstar bus (WOG-721) na nasangkot sa insidente, sabi ni Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Dinala naman sa pagamutan sina Ryan Glendo at Rodrigo Verdad, pasahero ng isang trak at driver ng ikalawang bus, para malunasan, aniya.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng iba pang pasahero na maaaring nasugatan, sabi ni Capt. Eumorpho Batlangao, acting police chief ng Del Gallego.
Naganap ang insidente sa bahagi ng Rolando Andaya Highway na sakop ng Brgy. Sinuknipan, dakong alas-3:40.
Hinahatak noon pa-hilaga ng tractor head (WIS-260) na dala ni Vergil Suarez, 29, ang isa pang tractor head (ABB-1488) na dala ni Aries Bania, 23, ani Calubaquib.
Sinubukang inahan ng DLTB bus (UYC-332) na dala ni Verdad ang dalawa pero nahagip ang likod ng dala ni Suarez, kaya kapwa naitulak palayo ang mga tractor head.
Kasunod nito’y nawalan ng kontrol sa manibela si Verdad kaya sumalpok ang kanyang sasakyan sa bus na dala ni Alinsub, ani Calubaquib.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.