CLAUDINE maling-mali ang naging desisyong kalabanin si RAYMART; Mahihirapang ipagtanggol ang sarili | Bandera

CLAUDINE maling-mali ang naging desisyong kalabanin si RAYMART; Mahihirapang ipagtanggol ang sarili

Cristy Fermin - August 05, 2013 - 03:00 AM


Marami nang nagtangkang kumuha ng komento ni Gretchen Barretto tungkol sa maligalig na buhay-may-asawa ng kanyang kapatid na si Claudine, pero walang nagtatagumpay, puro ngiti lang ang isinasagot sa kanila ng aktres.

Sa mga nagaganap ngayon kina Raymart Santiago at Claudine ay maraming kuwento ang nagkaroon ng linaw. Nu’n ay marami pang nagdududa sa mga istoryang naglalabasan tungkol sa pagpapagamot ni Claudine kahit pa mismong kapatid na niya ang naglabas ng rebelasyon.

Ang sabi ng mga tagasuporta ng aktres ay sinisiraan lang daw siya ng kanyang kapatid, gawa-gawa lang daw ang mga kuwentong matagal na nanatili sa basement ng isang ospital si Claudine, pero ngayon ay parang sumasang-ayon ang panahon sa mga ganu’ng akusasyon sa kanya noon.

Ngayong naghain na siya ng Temporary Protection Order laban kay Raymart ay naglabasan ang maraming kuwento, mismong si Raymart pa ang nagdiin na malaki ang kapasidad niyang mag-imbento ng kung ano-anong senaryo, sa madaling salita ay sinungaling si Claudine.

Kalaban na niya si Raymart ay kalaban pa ni Claudine ang mismong pamilya niya, paano kaya niya mapaniniwala ngayon ang publiko tungkol sa kanyang mga deklarasyon, may maniniwala pa kaya sa mga sinasabi niya laban kay Raymart ngayon?

Kung inayos na lang niya sa matahimik na paraan ang kanilang problema ay wala na sanang maglalabasang kuwento tungkol sa kanya, hindi na sana lulutang ang maraming istorya ng kanyang pagiging sumpungin, sana’y hindi siya pinagdududahan ngayon.

Nakapanghihinayang ang relasyong Raymart-Claudine, marami pa naman ang umasa na sa kanilang magkakapatid ay siya ang magiging matatag sa pagpapamilya, pero tulad nina Gretchen at Marjorie ay nabalewala rin ang pag-asa ng ating mga kababayan sa kanya.

Maligalig ang sitwasyong kinapapalooban ni Claudine Barretto, masyadong magulo, nakagugulantang ang mga rebelasyong inilalabas ngayon ni Raymart Santiago tungkol sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

( Photo credit to Google )

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending