Lotlot wasak sa bashers dahil sa pagpatol kay Pilita; pati si Ate guy damay
Nandu’n na tayo. Natural lang na ipagtanggol ni Lotlot de Leon ang kanyang anak na si Janine Gutierrez sa mga pinakawalang pahayag ni Ms. Pilita Corrales.
Walang problema du’n. Ang dugo ay dugo. Si Lotlot na rin naman ang nagsabi na saan man makarating ay idedepensa niya ang kanyang mga anak anuman ang mangyari.
Pero sana ay idinaan niya ‘yun sa paraang hindi niya naman malalait ang isang taong minsan isang panahon ay matagal din niyang nakasama sa isang bubong.
Sana’y gumamit siya ng mga salitang nababagay sa isang may edad nang tao. ‘Yung hindi niya gagamitin ang litanyang matandang walang pinagkatandaan.
Alam kaya ni Lotlot ang ibig sabihin ng matandang walang pinagkatandaan? Ang taong tinutukoy niya ay isang taong ipinanganak at namatay nang walang anumang nagawang maganda sa kanyang buhay.
At may pinagkatandaan si Ms. Pilita Corrales. Naabot nito ang kanyang mga pangarap. May korona itong Asia’s Queen Of Songs. Hanggang ngayon, sa kanyang edad, ay patuloy pa ring kumakanta ang dati niyang biyenan at nagpapasaya sa ating mga kababayan.
Sana’y hindi nagpadala sa kanyang emosyon si Lotlot de Leon. Puwede niya namang sinagot ang mga naging pahayag ng lola ni Janie sa mas makataong paraan.
Tuloy ay ayan, bina-bash siya nang husto, nasasangkot pa sa usapin ang taong umampon at nag-alaga at nagmahal sa kanya na si Nora Aunor na ayon sa mga tagahanga ng aktres ay ni hindi man lang niya nirerespeto at binibigyan ng pagpapahalaga.
Biyenan niya si Ms. Pilita, ina-inahan niya si Nora Aunor, pero pareho niyang hindi kasundo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.