Alden muling pinaiyak ang manonood, pang-best actor sa The Gift
DALAWANG linggo na lang at mapapanood na ang mga huling pasabog ng inspiring Kapuso primetime series na The Gift.
Ayon sa lead star ng programa na si Alden Richards, marami pang kailangang abangan ang manonood sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang serye, lalo na sa kanyang karakter na si Sep at sa tunay niyang ina na si Nadia (Jean Garcia).
Para sa Asia’s Multimedia Star, bittersweet ang nalalapit na pagtatapos ng The Gift pero ang sigurado siya marami siyang babauning aral mula sa produksyon hanggang sa mga co-stars niya.
“In the past five years, this is my longest teleserye to date. Siyempre, mami-miss ko ‘yung set. Ang sigurado sa amin, kahit matapos ‘yung show, babaunin namin ‘yung relationship na nabuo dito.
Hindi magatatapos sa teleserye lang,” pahayag ni Alden.
Aniya, sana ay makagawa pa siya ng maraming proyekto tulad ng The Gift na nagbibigay ng inspirasyon at aral sa mga manonood. Napakarami raw niyang natutunan mula sa The Gift, kabilang na ang pagpapahalaga sa maliliit na bagay na maituturing nang malaking blessing.
Sa nakaraang episode nga ng serye at muli niyang pinaiyak at pinabilib ang viewers sa eksena kung saan natagpuan na niya si Nanay Straw (Jo Berry) na nakahandusay at duguan matapos ngang barilin ni Javier (Christian Vasquez).
Samantala, ayaw nang magdetalye pa ni Alden tungkol sa pagtulong niya sa mga nasalanta ng pagsabog ng bulkang Taal.
Kamakailan ay personal siyang nagtungo sa mga evacuation centers sa Alitagtag at Mataas na Kahoy sa Batangas para mamahagi ng relief goods. Ani Alden, nais niyang maging tahimik lang ang ginagawa niyang pagtulong sa mga nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.