SA gitna ng kalamidad na dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal, maraming isyu ang naglilitawan na direktang nakaapekto sa mga kababayan natin na biktima ng trahedyang ito.
Isipin na lamang ninyo na sa kabila ng hirap na kanilang dinaranas ngayon, may mga side problems pa silang kinakaharap. Isa na riyan ay isyung pananamantala sa kanila.
Hindi ba’t may mga balita na ilang negosyante ang nanamantala sa sitwasyon? Eto yung isyu ng profiteering, ang labis-labis na paghangad ng kita sa panahon ng sakuna. At may batas tayo laban dito, ang Republic Act No. 7581 o “Price Act” na naisabatas noong May 27, 1992.
Madalas, ang batas na ito ay nalalabag ng mga negosyante, lalo na sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang presyo. Lalo pa nga itong pinagtibay ng Republic Act No. 10121 na nagtatag ng Local Price Coordination Council na inatasang mag-bantay at pumigil sa overpricing at profiteering.
Ayon sa R.A. No. 7581, ang profiteering ay isang sistema kung saan ang tao o negosyante ay minamanipula ang presyo ng isang pangunahing bilihin sa pamamagitan ng labis na pag-angat ng presyo nito, na wala namang katumbas na pagtaas ng mga kostas o kapital nito. Masasabing minamanipula o labis ang pagtataas ng presyo ng pangunahing bilihin kung ang pagtaas ay hindi bababa sa 10 porsyento kumpara sa nakaraang buwan. Masasabi rin na minamanipula ang presyo pag walang price-tag ang pangunahing bilihin, pag nagbigay ng maling impormasyon sa bigat o sukat ng bilihin, o kaya naman nagpangiwi o pinalabnaw ang mga bilihin.
Kaya ngayon dapat ay minamatyagan nang husto ang mga negosyante na lumalabag dito. Ang parusa rito ay pagkakakulong na hindi bababa ng limang taon hanggang 15 taon, at pagbabayad ng fine na hindi bababa sa P5,000 at hindi lalagpas sa P2 milyon.
Kaya isumbong na ninyo sa kinauukulan ang mga negosyante na sinasamantala ang sitwasyon ngayon sa Taal.
***
Isa pang maingay na isyu ngayon ay yung naririnig at napapanood nating balita tungkol sa mga kababayan nating pilit na pinalilikas sa kanilang mga tahanan dahil nga sa pag-alburuto ng Bulkang Taal.
Ang sapilitang pagpalikas sa panahon ng mga kalamidad at sakuna ay angkop sa kapangyarihan ng estado para bigyang proteksyon ang kapakanan at kaligtasan nila. Ito ay tinatawag na Police Power. Sa pamamagitan ng Police Power, ang gobyerno ay may kapangyarihan na palisanin ang mga tao mula sa isang lugar ng sakuna.
Ang ganitong pangyayari ay subok na rin sa Korte Supreme, kagaya na lamang ng naganap sa Boracay Island (Zabal v. Pres. Duterte, G.R. 238467, 12 February 2019). Ayon sa Korte ang ganitong atas ng pamahalaan ay lehitimo at naayon sa Saligang Batas bilang pagtugon sa kapakanan ng mga mamamayan.
Pero kahit may Police Power, mayroon pa ring mga kaukulang proteksyon at karapatan ang ating mga kababayan, gaya na lamang (1) dapat ay may sapat na mekanismo para sa agarang pagbibigay ng pagkain, masisilungan at gamot; (2) mabigyan ang mga nanay na may sanggol ng lugar para sa breastfeeding; (3) mabigyan ng impormasyon para sa kanilang kaalaman sa sakuna; (4) price ceilings sa pangunahing bilihin; (5) pagbibigay ng pautang ng walang interest mula sa government financing o lending institutions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.