Ai Ai: Kung nakinig sa akin si Jiro, nasa rehab pa rin siya ngayon! Ipagdarasal natin siya | Bandera

Ai Ai: Kung nakinig sa akin si Jiro, nasa rehab pa rin siya ngayon! Ipagdarasal natin siya

Bandera - January 22, 2020 - 12:05 AM

KELVIN MIRANDA, ANGEL GUARDIAN, AI AI DELAS ALAS, KISSES DELAVIN AT McCOY DE LEON

PATATAWANIN ka. Paiiyakin. At pakikiligin din ng pinakabagong dramedy (drama-comedy) movie ng Regal Films, ang “D’Ninang”.

Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na premiere night last Monday na pinagbibidahan ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas, Kiray Celis at ang loveteam nina Kisses Delavin at McCoy de Leon.

In fairness, hindi na naman kami binigo ni Ai Ai sa kanyang walang kupas na galing sa comedy na sinabayan pa ng matinding dramahan. Kaya habang tumatawa ka sa ilang nakakalokang eksena sa “D’Ninang” bigla ka namang maiiyak sa mga emote niya kasama si Kisses na gumaganap na anak niya sa kuwento.

Bentang-benta sa mga nanood sa premiere night ang mga paandar at punchlines ni Ai Ai bilang si Ditas, isang leader ng sindikato sa kanilang lugar na nag-aalaga ng kanyang mga ampon na katulong niya sa pagnanakaw. Ninang ang tawag sa kanya ng lahat ng kakilala niya dahil sa pagtulong sa mga nangangailangang lumalapit sa kanya – meaning ang mga kinikita niya sa paggawa ng masama ay isine-share rin niya sa iba.

Pero biglang magbabago ang kanyang buhay nang makilala at makasama niya uli ang kanyang nag-iisang anak na si Mikhai (Kisses). Inabandona niya ang bata kaya malalim ang galit nito sa kanya. Kaya naman noong mamatay ang ama nitong pulis sa kanya na tumira ang dalaga at dito na nga magsisimula ang twists and turns ng pelikula.

Nangako si Ditas na magbabagong-buhay na para sa kanyang anak pero may isang problemang darating sa kanilang pamilya na magtutulak sa kanya na bumalik sa pagnanakaw na siyang magiging dahilan para mas tumindi ang galit ng kanyang anak. Winner ang tandem nina Ai Ai at Kisses sa “D’Ninang”, lalo na ang confrontation scene nila na nagpaiyak sa mga manonood.

Panalo rin ang kiligan sa tandem nina Kisses at McCoy, lalo na ang eksena nila sa isang pampasaherong jeep kung saan sumabit nang bonggang-bongga ang dalaga. In fairness, may magic din ang Mckiss loveteam na tinitilian ng fans kapag bumabandera na ang kanilang mga pakilig scenes sa big screen.

Tawa rin kami nang tawa sa hiritan nina Ai Ai, Kiray at Lou Veloso na agaw-eksena sa kanilang mga punchlines. Pero ang talagang gusto naming purihin ay ang baguhang young actress na si Angel Guardian na introducing sa pelikula. Talagang nagmarka ang role niya bilang ampon ni Ai Ai na inatake ng selos nang dumating sa buhay nila si Kisses kaya nakagawa ito ng isang bagay na pinagsisihan niya sa huli. Gustung-gusto namin ang eksena kung saan sinampal niya si Kisses kaya sinampal din siya ni Ai Ai. Ang galing ni Angel doon dahil ramdam namin ang selos at galit niya.

Kayo na ang humusga sa ending ng pelikula dahil para sa amin, makatotohanan lang ang naging kapalaran ni Ditas na isang paalala sa lahat na lahat ng lihim ay nabubunyag at walang kasalanan ang hindi pinagbabayaran. Showing na ngayon sa mga sinehan ang “D’Ninang” sa direksyon ni GB Sampedro mula sa Regal Entertainment.

* * *

Bago magsimula ang premiere night ay nakausap namin si Ai Ai tungkol sa bagong kontrobersiyang kinasasangkutan ng anak-anakan niyang si Jiro Manio.

Aniya, ayaw na niyang makialam sa kasong frustrated homicide na isinampa laban sa dating child actor. Ipagdarasal na lang daw niya ang binatang ama na maging maayos na ang buhay nito.

Naniniwala ang komedyana na hindi siya nagkulang ng pagbibigay ng tulong at pagmamahal kay Jiro sa loob ng ilang taon, kabilang na ang pagpapa-rehab dito. Hindi lang daw pera ang involved sa usapin kundi pati ang kanyang pagiging ina sa dating aktor. Hindi na rin daw nakikinig sa mga payo niya si Jiro, “Kasi kung mahalaga pa rin ako sa kanya, makikinig siya sa akin, sa mga payo ko. Kung nakikinig siya sa akin dapat nasa rehab pa rin siya ngayon.”

Sabi pa ni Ai Ai, mahigit dalawang taon na silang walang komunikasyon ni Jiro, ang huli raw nilang pag-uusap ay noong umatras ito sa pagbabalik-showbiz, “Kakapirma pa lang namin ng kontrata, after two hours, nag text sa akin, sabi niya ‘Mama, ayoko na.’ Ayaw na raw niyang mag-artista, sabi ko ‘Anak, patay tayo diyan kakapirma pa lang natin,’ tapos kaka-convince ko sa kanya, oo naman daw tapos mamaya, hindi na naman daw pwede.”

“Feeling ko lahat na nagawa ko pero talagang hanggang doon na lang siguro. Kaya sabi ko nga, ang tanging magagawa ko na lang ngayon ay ipagdasal siya para maliwanagan ang isip niya, para tuluyan nang bumuti ang kalagayan niya.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa tanong kung willing pa siyang tulungan si Jiro sa kinasasangkutan nitong kaso ngayon, “Tingnan natin, kasi legal na usapin na ‘yan, e. Ayoko namang mangako tapos hindi ko naman pala magagawa. Let’s see, basta ipagdarasal ko siya araw-araw.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending