Virus mula China nakapasok? Western Visayas naka-alerto
NAKA-ALERTO ang health authorities sa Western Visayas kasunod ng pagpasok sa rehiyon ng tatlong banyaga na hinihinlang may dala ng misteryosong virus na kumakalat sa China.
Tatlong tao ang sinuri ng mga doktor mula sa Bureau of Quarantine matapos dumating sa Kalibo International Airport, sabi ni Dr. Leslie Ann Luces, ng Aklan Provincial Health Office.
“Tomorrow (Tuesday), we will be having an emergency meeting with our regional director,” sabi ni Luces sa Bandera.
Tumanggi si Luces na magbigay ng karagdagang detalye hangga’t di nagaganap ang emergency meeting, pero tiniyak na ipaalam sa publiko ang sitwasyon.
“We will inform the public and we will invite the media,” aniya.
Una dito, sinabi ng isang online news report na ang mga na-quarantine ay pawang mga Chinese national na edad 29, 3, at 65.
Isinailalim sila sa quarantined matapos dumating sa Kalibo, mula sa iba-ibang bahagi ng China, sa magkakaibang petsa ngayong buwan, ayon sa ulat.
Ang kumakalat na virus ay sinasabing bahagi ng pamilya ng mga virus na nagdulot ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome (MERS) outbreaks ilang taon na ang nakaraan.
Di bababa sa isang tao na ang nasawi sa panibagong virus sa Wuhan City, China.
Dahil sa pagkalat nito, inatasan ni Health Secretary Francisco Duque ang Bureau of Quarantine na palakasin ang pag-screen sa mga biyahero, lalo na yaong mga mula China.
Nagpahayag din si Defense Secretary at National Disaster Risk Reduction and Management Council chairman Delfin Lorenzana ng pagkabahala sa posibleng pagpasok ng virus, nang bumisita ang mga miyembro ng Chinese Coast Guard sa Maynila noong nakaraang linggo.
Gayunman, tiniyak sa kanya ng DOH na sinuri ng Bureau of Quarantine lahat ng bumisitang miyembro ng CCG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.