Sharon kinampihan si Regine, walang paki sa resbak ng mga bashers
Ipinagtanggol ni Sharon Cuneta ang kanyang kapwa singer na binabash-bash kamakailan, siya mismo ang nagdiin sa tungki ng ilong ng mga bumibira kay Regine Velasquez na hindi dapat ginaganu’n ang Asia’s Songbird, dahil napakalaki na ng napatunayan nito sa mundo ng musika.
Walang pinatungkulang sinuman ang Megastar, pero siguradong umaray ang mga umuupak kay Regine sa kanyang mga sinabi, nagpakatotoo lang naman kasi si Sharon.
Sa tatlong dekada nga namang wala nang ginawa si Regine kundi ang kumanta nang kumanta ay hindi na ito mabubura sa kasaysayan ng pagkanta.
Matatagumpay na concerts, recording career na mahirap nang plakaduhin ng ibang singers, marami nga namang napatunayan na at naiambag sa larangan ng musika si Regine Velasquez.
Hindi nakikisawsaw si Sharon, nagsabi lang siya ng totoo, lalo na’t kamakailan lang ay nagsama sila sa isang napakamatagumpay na concert kung saan pinarangalan pa nga sila ng Aliw Awards.
Ganu’n naman ang Megastar, kahit i-bash siya nang i-bash sa pagpapakatotoo niya ay wala siyang pakialam, basta ilalabas niya ang sinsero niyang opinyon.
Wala mang binanggit na grupo si Sharon na nambabastos kay Regine ay alam na this! May mga grupo naman kasing maling-mali ang mga arya, wala sa tamang tiyempo ang pagiging sensitibo, maiangat lang nila ang hinahangaan nilang idolo.
Ganu’n lang!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.