Lito Lapid sa pagpasok ni Coco Martin sa politika: Pwedeng-pwede!
NANINIWALA si Sen. Lito Lapid na malaki ang posibilidad na manalo si Coco Martin kapag tumakbong senador sa susunod na eleksyon.
Aniya, sa lakas ng teleseryeng Ang Probinsyano ng award-winning actor siguradong marami siyang makukuhang boto mula sa madlang pipol. Patunay nga raw sa lakas ng hatak sa tao ni Coco ay ang pagkapanalo ng dalawang partylist nitong nakaraang eleksyon – ito ay ang Probinsyano Ako at Ang Probinsyano.
“Oo, siguradong iboboto siya ng mga tao pero ayaw niya talaga, e. Kapag tinatanong namin tungkol sa politika, siya talaga ang humihindi hindi niya ine-entertain. Alam naman ng lahat na napakasipag niya, matulungin at ang dami na niyang natutulungan,” ang pahayag ng senador nang humarap sa ilang miyembro ng entertainment press kahapon.
Nagpa-thanksgiving lunch kasi ang actor-politician para personal na magpasalamat sa mga kaibigan niya sa entertainment media na patuloy na sumusuporta sa kanyang showbiz at political career. Aniya, napakalaki ng utang na loob niya sa showbiz dahil hindi matutupad ang lahat ng pangarap niya sa buhay kundi dahil sa pagiging artista niya.
“Ang pulitika, puwedeng iwanan, ang showbiz hindi. Hindi naman ako magiging pulitiko kung hindi sa showbiz,” pahayag ng senador.
Going back to Coco, marami ring nagsasabi sa Teleserye King na huwag na siyang pumasok sa politika dahil okay na okay na ang estado ng buhay niya ngayon. Sigurado kasing mapopolitika lang siya kapag nagkaroon siya ng posisyon sa gobyerno. Pero may mga nagsasabi naman na kung may isang celebrity na pwedeng-pwedeng maging public servant yan ay walang iba kundi si Coco dahil siguradong mas marami pa siyang matutulungan kapag nanalo siya.
Baka nga raw siya pa ang magpatuloy sa nasimulan ni FPJ nang tumakbo itong Pangulo noon. Pero ayon nga kay Sen. Lapid pati na rin sa kanyang anak na si Mark Lapid na isa ring kilalang kaibigan ni Coco, talagang wala raw sa utak ng aktor ang pumasok sa politika…sa ngayon.
Samantala, grabe rin ang pasasalamat ng veteran action star kay Coco at sa Ang Probinsyano dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na ipakilalang muli ang kanyang sarili sa mga millennials. Kung dati ang tawag sa kanya ng mga tao ay Leon Guerrero (karakter niya sa isang pelikula), mas kilala na raw siya ngayon bilang “Pinuno”, ang pinasikat niyang karakter sa serye ni Coco, “Habangbuhay kong tatanawin na utang na loob kay Coco ang pagbabalik ko sa aksyon. Nang dahil sa Probinsiya, umingay ang pangalang Pinuno at talagang nakatulong ‘yun nang malaki noong tumakbo ako uli.”
Posible pa bang bumalik siya sa serye? “Pinatay na ako, e. Hindi nga ako inilagay sa kabaong, nilibing ako sa lupa. Pero sabi nila pwedeng may kakambal, mga ganu’ng scenario. So, tingnan natin.”
Last year, nakasama ang senador sa entry ni Coco sa MMFF na “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” kasama si Vic Sotto and this year inalok uli siya ng Kapamilya actor na mapasama sa “3Pol Trobol” pero hindi muna siya aarte, pumayag siyang maging fight director na lang muna sa mga maaaksyong eksen sa pelikula dahil medyo loaded ang schedule niya ngayon.
“Kasi mula sa Probinsyano, ako na ang fight director nila, tapos du’n sa nakaraan niyang pelikula sa filmfest ako rin, and then dito nga sa bago niyang entry sa MMFF ako uli ang nakasama niya para sa ilang action scenes,” pahayag pa ni Sen. Lapid na sinabing “for the love” lang ang pagtulong niya kay Coco at wala siyang tinatanggap na talent fee.
Anyway, tungkol naman sa kanyang political career, mula nang muling mahalal sa Senado, marami-rami na rin siyang naipasang panukalang-batas para sa kapakanan ng mahihirap nating mga kababayan.
Kabilang na riyan ang pagbibigay ng insurance coverage sa lahat ng professional Filipino atheletes na lumalaban sa mga international sports competitions na tinawag na “Professional Filipino Athletes Insurance Benefits Act” at ang Senate bill na naglalayong mabigyan ng mas mahabang panahong o leave credits para maka-recover sa trauma ang mga biktima ng domestic violence.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.