Gunggong galunggong | Bandera

Gunggong galunggong

- February 15, 2010 - 12:00 PM

BANDERA Editorial, 021510

YAN ang paniniwala ng mga mangingisda sa abang galunggong.  Madaling hulihin dahil sila na mismo ang lumalapit sa bitag.  At kapag nahuli na, di na tumatakas.  Di na nagrereklamo at di na gumagawa ng palusot.  Di tulad ng mga politiko.  Di mahuhuling nagsisinungaling dahil napakaraming palusot.  Pag gusto ay may paraan.  Pag ayaw ay may dahilan.
Kaya nga gunggong ang galunggong.  Ginamit noon ni Corazon Aquino ang presyo ng galunggong sa kanyang kampanya kontra kay Ferdinand Marcos.  Hindi na maabot ng mahihirap.  Pero, bakit ganoon?  Nang iniluklok (hindi naluklok sa puwesto si Aquino, na kung tawagin ng marami ay tita, kahit wala silang gapatak na dugo sa yumaong dating pangulo) si Aquino sa puwesto hanggang sa natapos ang termino nito, tumaas pa ang presyo ng galunggong.
Hanggang kahapon na P123 na ang kilo sa talipapa sa Tala, Caloocan.  Kung ginamit ni Aquino na isyu laban kay Marcos ang galungggong, mas lalo nating puwedeng gamitin ito sa mga politikong kandidato ngayon (hindi politiko sina JC de los Reyes at Nicanor Perlas, kaya saling-pusa sila rito na hindi puwedeng mataya, o batikusin hinggil sa presyo ng galunggong).  Lalo na ang tumatakbong mga senador at kongresista, dahil sila ang bumabalangkas ng mga batas pagkatapos ng napakahabang mga debate na ang tumutustos ay ang taumbayan.
Nang nasa puwesto na ay kinalimutan na ang galunggong.  Mas hiyang ang mga mambabatas (kasi, gusto nila) sa paulit-ulit na debate sa impeachment kahit sinisikatan na ng araw ang labas ng Kamara (mahirap tawaging Batasan, dahil wala namang makabuluhang batas na ipinasa rito) at sa bangayan at banggaan kung sino sa dalawa ang masama, si Lacson ba o si Erap.
Maraming salamat sa Philippine Daily Inquirer 1st Edition Presidential Debate.  Nagising (ginising ng Inquirer) ang mga politiko na P120 na pala ang kilo ng galunggong, at inakala pa ni Jamby na P60 (HA?!).   Kung P120 na ang kilo ng galunggong, bakit pinabayaan ito ng mga politiko?  Baka naman imbes na sagutin ang tanong ay ipasa pa ito sa mahihirap: bakit hindi nagreklamo ang mahihirap na P120 na pala ang kilo ng galunggong?  Bakit di sila umaray kung masakit na?
Kapag ganyan ang palusot ng mga politiko, kung gayon, hindi totoo ang survey ng SWS at Pulse Asia na marami ang mahihirap at nagugutom sa bansa.  Dahil kaya pa ng mahihirap at mga nagugutom na bumili ng gunggong na galunggong sa halagang P123 bawat kilo!

BANDERA, 021510

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending