Maria payag na bang makatrabaho si Sharon sa pelikula o teleserye?
NAPAKALAKI na ng ipinayat ngayon ng Diamond Star na si Maricel Soriano kung ikukumpara sa dati niyang katawan noong ginagawa niya ang teleseryeng The Generals’ Daughter.
In fact, napa-wow talaga ang ilang members ng entertainment press sa ginanap na mediacon ng bagong pelikula ni Maria, ang horror movie na “The Heiress” kung saan makakasama niya sina Sunshine Cruz, Janella Salvador at McCoy de Leon.
Pagkatapos ng presscon ay nakorner ng ilang reporters si Maria at natanong nga kung ano ang ginawa niya dahil ang bilis niyang namayat.
“No carbs, nag-excercise na rin ako. Nag-gym na ako ngayon dahil talagang kinulit ako ni Eric (Quizon). Puspusan talaga ang ginawa ko kasi may edad na rin naman, di ba? Kailangan kong mag-effort,” chika ng 54-year-old award-winning actress.
Ayon pa sa Diamond Star, talagang nag-iingat na siya ngayon sa kanyang mga kinakain para iwas sa mga sakit. Kailangan daw magpaka-health conscious na siya ngayon para mas marami pa siyang magawang trabaho.
Isa pa sa mga naitanong kay Maria ay kung may posibilidad na bang magkasama sila ni Megastar Sharon Cuneta sa isang proyekto. Maraming fans ang nagre-request na pagsamahin na ang dalawang movie icons dahil sigurado raw magiging blockbuster ito.
Never pang nagsama sa isang project sina Maricel at Sharon kaya abangers ang kani-kanilang supporters sa posibilidad na magbida sila sa isang pelikula o teleserye.
Pero sa naging sagot ni Maria, mukhang imposible pa itong mangyari, “Siguro mahaba pang panahon ang kailangan bago tayo mapunta diyan, kasi marami pa tayo ginagawa eh,” sagot niya.
Sa ngayon, pinaghahandaan na rin ni Maricel ang kanyang pagbabalik sa teleserye, baka raw magsimula sila sa unang quarter ng 2020.
Samantala, hindi man nakapasok sa 2019 Metro Manila Film Festival ang “The Heiress”, nagpapasalamat pa rin si Maricel at ang iba pang members ng cast sa Regal Entertainment dahil talagang hinanapan nila ng paraan na maipalabas sila bago matapos ang taon. Naniniwala ang aktres na napakaganda ng kanilang pelikula kaya sana ay tangkilikin ng madlang pipol.
Showing na ang “The Heiress” sa Nov. 27, sa direksyon ni Frasco Mortiz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.