SINABI ng Pangulong Noy sa kanyang State of the Nation Address (SONA), balak bumili ng gobiyerno ng 24 fighter jets o isang squadron ng Philippine Air Force para sa external defense ng bansa.
Bakit di na lang attack at troop transport helicopters ang bilhin sa halip na mga jet fighters?
Di natin kailangan ng jet fighters dahil ang mga ito ay mahal, malaki ang maintenance at malakas kumain ng gas.
At dahil tayo’y mahirap na bansa, palaging nakaparada lang sa hangar ang mga jet fighters.
At aanhin naman ang kakaunting jet fighters laban na magpapatrolya sa Kalayaan o mga isla na pinag-aagawan natin sa China?
Kapag naman sinalubong ng ating 24 fighter jets ang mga barkong pangerra ng mga Chinese, baka padalhan tayo ng three or four times that number of jet fighters at kalabanin ng dogfight ang ating mga jets.
Saka na natin bilhin ang mga jet fighters kapag ang bansa natin ay labis na mayaman na—at papunta na tayo roon—dahil kaya na nating bumili ng maraming jet fighters.
Ang kailangan ng Armed Forces ngayon ay mga helicopter gunships at transport helicopters para i-reinforce ang mga sundalong inaambus o pinapaligiran ng mga rebeldeng Moro at New People’s Army o i-evacuate ang mga sugatang sundalo sa lugar ng labanan.
Ang karaniwang dahilan kung bakit maraming napapatay na mga sundalo sa battlefield ay loss of blood dahil di agad nailipad ng helicopter sa lugar ng labanan.
Ang ipambibili ng isang jet fighter ay makakabili ng limang attack o transport helicopter.
Twenty-four (ang bilang ng jet fighters na balak bilhin) times five equals 120 na mabibili ng gobiyerno.
Sa ngayon ay mga 20 transport helicopters ang meron ang ating Air Force.
Noong araw ay mahigit 100 ang mga Huey transport helicopters ang hawak ng Philippine Air Force.
Kailangan din ng Armed Forces ang ilan pang C-130 transport aircraft para paghatid ng mga sundalo sa iba’t ibang lugar ng bansa.
Mga 80 sundalo ang kakasya sa C-130. Kapag kakaunti ang laman na tao, kayang dalhin nito ang six-by-six truck o B-50 armored vehicle.
Kailangan ng Armed Forces ng C-130 Hercules sa agarang pag-dispatch ng mga sundalo sa mga magugulong lugar.
Hindi lang pagta-transport ng mga sundalo at military equipment ginagamit ang C-130 kundi sa pagkarga ng mga relief goods sa mga disaster areas sa mga malalayong lugar.
Sa ngayon ay iisa lang ang ating C-130 samantalang noon ay kulang-kulang sa 20.
Malaking maitutulong ng helicopter transport at C-130 Hercules transport aircraft ang pakikibaka ng Armed Forces sa mga rebelde.
Hayaan na muna natin ang pasikat sa pagbili ng 24 jet fighters.
Baka pa mapahamak tayo sa ating pagiging pasikat.
qqq
Tandang-tanda ko pa noong nagsagawa ng state visit ang Pangulong Gloria sa Washington DC noong panahon ni President George W. Bush.
Masyadong natuwa si Bush kay Gloria siguro dahil ito’y babae at kakapiranggot ang taas.
Naging non-NATO ally tayo ng America.
Ang NATO ay North Atlantic Treaty Organization na kinabibilangan ng Germany, France, Britain, Italy at iba pang kaalyadong bansa ng America sa Europa.
Kahit na anong military hardware ang hingin natin ay ibibigay ng America.
Nang sinabi ni Pangulong Gloria sa akin kung anong dapat hihingin natin, sinabi ko sa kanya na dapat ay Huey transport helicopters, C-130 aircraft at ilang barkong pangerra.
Tuwang-tuwa si Gloria at sinabi niya ito kay Bush na sumang-ayon naman.
Nagbago ang isip ng America na padalhan tayo ng mga military hardware na hiniling natin dahil bumigay tayo sa mga terorista sa Iraq na kumidnap kay Angelo dela Cruz, isang OFW na dapat ay hindi pumunta doon.
Ang demand ng Iraqi terrorists ay alisin ang ating mga medical contingent sa bansang yun.
Sumang-ayon si Gloria dahil sa natakot siya na baka di siya iboboto ng taumbayan sa eleksiyon na darating.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.