Makapal lang ang mukha ang mananatili sa pwesto
“MAY profilers na ang pulis natin, ma?” Ito ang reaksiyon ng panganay kong anak nitong araw ng Linggo habang kami ay nasa daan at nakikinig sa isang istasyon ng radyo na nagbabalita tungkol sa mga pahayag ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas tungkol sa pagsabog na naganap sa Cagayan De Oro noong Biyernes ng gabi.
Mahilig sa mga palabas na serye na gawa sa Estados Unidos ang anak ko at alam niya ang uri ng trabaho ng isang profiler batay sa mga seryeng napapanood niya na halaw naman sa tunay na gawain ng naturang propesyon. Yung pagkagulat ang pinupuntusan ko.
Nagulat siya dahil sa panonood niyang ulat sa telebisyon na may mga kinalaman sa mga krimen, isa sa obserbasyon niya ay ang ura-uradang pagbibigay ng mga pahayag na ganito at ganyan ang takbo ng imbestigasyon bagamat wala pang karampatang pag-po-proseso ng bawat detalye ng isang insidente.
Hindi dapat madaliin ang pagpapalabas ng impormasyon sa CDO blast. Kahit gutom pa ang media sa impormasyon, katungkulan ng mga otoridad na magbigay ng matalinong pahayag.
Hindi ibig sabihin na mag news blackout. Ang punto, kailangan ay masin-sing paglalatag ng tamang impormasyon, hindi iyong mabilis na magbibintang. Iwasan ang usual suspect syndrome.
Sa tanong ng anak ko, ang naging sagot ko, “Papunta na sa ganoong direksiyon ang pulis natin anak. Hindi agad-agad. Papunta doon, sana’y masuportahan lamang sila.” Ang suportang tinutukoy ko ay ang pagpapataas ng kakayanan sa forensic investigation ng mga pulis na nakatalaga sa crime investigation.
Kapag sinabing ang tiwala ko ay nasa iyo pa rin, ito ba ay kasingkahulugan ng mga salitang manatili ka sa puwesto? Pero kung nais siyang paalisin sa puwesto, bakit hindi na lang diniretso?
Dito papasok ang usapin ng “kapalan ng mukha” at hindi lamang ito patungkol sa iisang ahensiya ng pamahalaan. Tatlo ang sinabon at kinula sa nakaraang SONA ni Pangulong Aquino, pero alam nating mas marami pa rito ang dapat ay pinasaringan din.
Ibang usapan na kung dapat nga bang sa SONA dapat binakbakan ang mga taong pangulo din ang nagpuwesto.
Ang punto ko ay simple lang naman. Kung ikaw sa sarili mo, alam mo na wala kang nagawa sa panahong dapat ay may nagawa ka na at kung ikaw sa sarili mo alam mo na ang mga higante ng katiwalian sa ahensiyang pinamumunuan mo ay naroon pa rin, hindi ba ang pinakamainam na gawin ay magkusa ka na talagang magbitiw?
Tamang tinumbok na ng pangulo ang usapin ng katiwalian sa ahensiyang tulad ng Bureau of Customs. Imagine? Kailangan pang mag SONA ang pangulo para maging mahigpit, tunay na mahigpit sa pamamalakad ng isa sa itinuturing na pinakatiwaling ahensiya ng pamahalaan.
Pero mas maganda sana kung sinabi ng pangulo: “Iniuutos ko na bakantihin ninyo ang inyong mga puwesto sa lalong madaling panahon.
Manatili ang makakapal ang mukha. Magbitiw ang may natitira pang kahihiyan.”
Puwede itong sabihin kahit hindi sa SONA…pero mas mapapansin nga naman kung sa SONA ito sasabihin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.