Samantala, sa darating na Nob. 13 na mapapanood ang bagong season ng Bagman sa iWant.
Matitira ang mas matibay kina Arjo at Carlo sa paghaharap nila para lamangan ang isa’t isa. Nagbabalik ang Bagman matapos mapanood ang unang yugto nito na pinuri ng maraming manonood at netizens para sa makatotohanan at matapang na paglalahad nito ng kalagayan ng lipunan.
Tampok dito hindi lang ang mapangahas na pagsusuri sa mundo ng pulitika at katiwalian ngunit ang pagsasalpukan ng dalawa sa aktingan ng pinakapinupuring aktor ng kanilang henerasyon.
Nananatiling palaban si Arjo sa serye bilang si Gov. Benjo Malaya, ang dating barberong umangat sa mundo ng politika at katiwalian, hanggang sa mag-agaw-buhay siya matapos subukang paslangin sa pagtatapos ng unang season.
Dahil nakaligtas mula sa kamatayan, mangangako si Benjo na gagawin ang lahat para makapaghiganti sa mastermind sa likod ng pagtatangka sa kanyang buhay, pati na ang hitman na bumaril sa kanya – si Emman (Carlo).
Samantala, haharapin naman ni Emman ang kapalit ng pagkabigo niyang patayin ang gobernador at papatunayang karapat-dapat siyang pagkatiwalaang muli. Sasailalim siya sa misyong tapusin ang buhay ni Benjo sa ilalim ng bago niyang boss na si Rep. Ricardo Matias (Romnick Sarmenta).
Sa madalas na pagtagpo ng mga landas nina Benjo at Emman sa ginagalawang mundo ng kasamaan at kasakiman, unti-unting makikilala ni Benjo ang tunay na katauhan ng nagbanta sa kanyang buhay.
Ngunit hanggang saan sila dadalhin ng kanilang mga plano? Tuluyan na ba silang lalamunin ng sistema, kahit pa madamay ang mga mahal nila sa buhay?
Ang eight-part series na ito ay isinulat at idinirek ni Shugo Praico, nilikha nina Lino Cayetano, Philip King at Shugo, at mula pa rin sa Dreamscape Entertainment at Rein Entertainment.
Kasama rin sa cast ng Bagman sina Irma Adlawan, Rez Cortez, Joel Saracho, Mon Confiado, Rollie Inocencio, Menggie Cobarrubias, Chanel Latorre at Rosanna Roces.
Sundan ang pagsuong nina Arjo at Carlo sa mundo ng katiwalian sa pagpapatuloy ng kuwento ng Bagman sa iWant app (iOs)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.