Barangay 143 wagi sa 2019 Asian Academy Creative; lalaban din sa Asian TV Awards
ITINANGHAL na regional winner sa tatlong kategorya ang first Filipino anime drama series na Barangay 143 sa 2019 Asian Academy Creative Awards.
Kinilala ang anime na gawa ng Synergy88 Entertainment Media Inc. ng Pilipinas, August Media Holdings ng Singapore at TV Asahi ng Japan, bilang “Best Animated Programme or Series (2D or 3D),” “Best Drama Series,” at “Best Theme Song or Title Theme” para sa awiting “Liga ng Buhay” na isinulat nina Thyro, Yumi at Shehyee.
“Masaya kami na isang taon pa lang matapos ang pilot telecast ng Barangay 143 sa GMA 7 ay agad itong umaani ng parangal at karangalan para sa bansa natin.
“Patunay ito na world class talaga ang talento ng Pinoy maging sa larangan ng animation,” pahayag ni executive producer at Synerg88 managing director Jackeline Chua.
Ang Gala Night ng Asian Academy Creative Awards ay gaganapin sa Disyempre sa Singapore kung saan malalaman kung magwawagi ang Barangay 143 at iba pang regional winners mula Pilipinas kalaban ang entries mula sa iba’t ibang panig ng Asya.
Samantala, nagdala naman ng pitong nominasyon sa apat na kategorya ang Barangay 143 sa nalalapit na Asian TV Awards.
Kabilang dito ang Best 2D Animated Programme, Best Direction (Fiction) para kay Jyotirmoy Saha, Best Actress in a Leading Role para kay Julie Anne San Jose na gumanap sa karakter ni Vicky, at Best Theme Song para sa “Para Sa Isa’t Isa” nina Nina at JinHo Bae, “Liga ng Buhay” nina Top Suzara at Harlem Ty, “Alanganin” nina Kris Lawrence at Krizza Neri, at “Dito Sa Barangay 143” nina Gloc 9 at Maya.
Iaanunsyo pa lang ng Asian TV Awards ang mga detalye ng gala night. Inaasahang dadalo rito ang pinakamahuhusay na personalidad sa larangan ng telebisyon sa Asya.
Unang napanood ng Barangay 143 noong Oktubre, 2018 sa GMA 7. Kasalukuyang naka-season break ang programa at inaasahang babalik sa ere sa 2020.
Bukod sa pag-produce ng anime, nasa negosyo ng interactive entertainment din ang Synergy88 at kamakailan ay inilunsad ang bago nitong video-on-demand platform na POPTV PINAS.
Maaari itong madownload sa Google Play at App Store at may POPTV stations sa piling lugar sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.