HIYANG-hiya si DILG Sec. Mar Roxas at Justice Sec. Leila de Lima sa pag-salvage ng mga pulis sa dalawang Ozamiz gang leader habang kustodiya ng gobyerno. Lalong nasampal itong si Roxas na pinuri pa ang mga pulis sa pagkakahuli kina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga Jr. sa ipinatawag niyang press conference sa Kampo Krame, pero sa dulo pala ay papatayin din sa isang “ambush” at tangkang pagtakas daw.
Mukhang merong pumaparteng mga opisyal ng pulis sa kita ng Ozamiz gang na tinatayang higit P70 milyon kung kaya naman kinailangang patayin ang dalawa. Beripikado umanong pinag-withdraw pa sa bangko ang dalawang suspect bago pa man sila opisyal na naaresto. Talagang nagmamadali ang rubout operation at binastos din ang Bureau of Corrections ng DOJ. Pero ang matindi rito, isang pulis ang kumanta at nag-isyu ng affidavit na kumkumpirma na sinadya ang pagpatay.
Bagay na nakakatakot. Isipin niyo, mga PATONG PULIS pala ang nasa likod ng mga holdaper ng bangko at maging nakawan sa mga lansangan natin. At bastusan pa ang pagpatay kahit arestado na ng DILG at DOJ ang mga suspect . Paano kung ordinaryong tao ang patayin nila? Dapat sa mga pulis patong na ito, batutain hanggang tumino.
Isa pang kaso ng pulis patong ay itong away ng DOJ-NBI at PNP-CIDG Anti-Organized Crime division.
Noong July 13, ni-raid ng 19 na pulis sa pamumuno ni Sr. Supt Jose Mario Espino ang apartment ng Chinese drug lord na si Li lang Wan alyas Jackson Dy at asawa niyang si Wang Li Na sa bahay nito sa San Juan. Magandang accomplishment sana pero, me dalawang testigo na nagsabing ninakaw ng mga pulis ang mula P15 milyon hanggang P20 milyon cash at 80 kilos ng shabu.
Bwelta ng CIDG, meron daw protektor na taga NBI itong Chinese drug lord at ibinulgar ang pangalan ng dalawang testigo ng NBI. Kaya naman, nagkapikunan na at hinamon ni De Lima si Col Espino na pangalanan ang protektor at pagkatapos tumahimik ang isyu. Pero hanggang ngayon, nawawala yung pera at ang shabu.
Ano ba yan? Mga pulis natin, patong sa mga Chinese drug lords.. at magnanakaw din sa kanilang mga raid?.. Sec. Roxas at Sec. De Lima, Hindi pwedeng walang maparusahan dito.
Ito namang mga kotong pulis sa Maynila, milyun-milyong piso pala ang kinikita. Ayon kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, inalok siya ng
P150,000 bawat araw para lang pabayaan mag-operate sa Plaza Lawton ang illegal bus at jeepney terminal. ito’y tumataginting na P54 milyon isang taon sabi pa ni Moreneo, na kanya namang tinanggihan.
Kung ganoon, sino ang tumatanggap ng “kotong” na ito sa Plaza Lawton noong panahon ni dating Manila Mayor Alfredo Lim? Aba,y mayaman na ang grupong namamahala ng traffic sa Maynila lalot higit siyam na taon sa pwesto si Lim at hindi naalis ang buhul-buhol na trapiko diyan sa Lawton.
Paano naman yung mga illegal terminal sa Quiapo, Divisoria, Avenida, Tondo at sa maraming lugar sa Maynila? Magkano kaya ang kotong money doon?
Marami po ang natutuwa at napakaluwag na ng trapiko sa loob ng Maynila lalot nabawasan na rin ang mga bus dito. Pero, ang malaking katotohanang nakikita natin sa nangyayari ay mga KOTONG PULIS pala ang dahilan ng pagsisikip ng trapiko. Hindi lang sa mga terminal pati sa mga nagkalat na sidewalk vendors na inokupa na rin ang kalye. Wala pang isang buwan si Erap at Isko dami nang nalalantad na kabulastugan sa Maynila.
Editor: Para sa komento, reaksyon i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.