Diabetes hindi lang sakit ng mayayaman
GAYA ng ibang sakit maaaring maiwasan ang diabetes.
Ayon kay Dr. JM Co, chairman ng University of the East Ramon Magsaysay Department of Medicine, ang diabetes ay isang destructive disease.
Ang diabetes ay isang grupo ng metabolic disorder kung saan tumataas ang sugar level ng tao sa dugo.
Tumataas ito kapag hindi na nasusunog ng isang tao ang sugar mula sa kanyang mga kinakain.
Ito ang nangungunang dahilan ng pagka-bulag at kidney failure na nangangailangan ng dialysis at transplant.
Binabarahan din nito ang mga blood vessel sa puso, utak na maaaring mauwi sa stroke at mga binti kaya kailangan itong putulin.
Umaabot na sa 3-4 milyong Pilipino na ang may diabetes, ayon kay Co na nagbigay ng lecture kaugnay ng sakit na ito.
At maaaring maiwasan ang diabetes sa pamamagitan ng tamang lifestyle upang hindi maging overweight o obese at mag-ehersisyo.
Mahalaga umano na mabantayan ang blood sugar level ng isang tao kaya inaanyayahan niya ang mga tumutungtong sa edad na 40 na magpasuri.
Sintomas
Ang karaniwang sintomas ng diabetes ay madalas na pag-ihi, pagkauhaw, labis na pagkapagod, panlalabo ng paningin, mabagal na paggaling ng sugat, pagbaba ng timbang kahit na hindi nagbabawas ng pagkain, pamamanhid ng mga kamay at paa.
Uri
May tatlong uri ng diabetes.
Ang Type 1 diabetes o juvenile diabetes na resulta ng pagkabigo ng pancreas na gumawa ng sapat na insulin.
Ang Type 2 diabetes o adult diabetes kapag hindi na ginagamit ng cells ng isang tao ang insulin nang maayos. Sa pagtagal ay magreresulta ito sa kakulangan ng insulin sa katawan. Kailangan ang insulin upang mabalanse ang glucose level ng katawan.
At ang Gestational diabetes ay kapag ang isang buntis na wala namang history ng diabetes ay biglang nagkaroon ng mataas na sugar level.
Impormasyon
Ayon kay Dr. Joven Cuanang, miyembro ng board of trustees ng UERM Memorial Medical Center Inc., mahalaga na magkaroon ng sapat na kaalaman ang bawat isa upang maiwasan ang diabetes.
Problema rin umano ang bata na walang ehersisyo at madalas ay nasa loob lamang ng bahay.
Sinabi ni Co na dati ang diabetes ay itinuturing na sakit ng mayayaman dahil noon sila lang ang may kakayanan na kumain ng marami na nagreresulta sa overweight pero hindi na ito ang kaso ngayon.
Paliwanag ni Co umaabot ng 10 tao bago ma-develop ang diabetes ng isang tao.
At kapag naging diabetic na mahalaga na uminom ng gamot.
Sinabi naman ni Dr. HB Calleja na ang mga taong mayroong heart problem madalas ay mayroong diabetes. Kaya naniniwala siya na kung kokontrolin ang diabetes mababawasan din ang sakit sa puso.
Si Cuanang ay nagkaroon ng heart attack noong siya ay 57. At ang dahilan nito ay ang pagkain niya ng bagnet. Dito na umano siya nagbago ng kanyang lifestyle.
Ngayon na siya ay halos 80 na, si Cuanang ay umiinom na lamang kapag may okasyon, hindi naninigarilyo at natutulog ng pitong oras at nageehersisyo tatlong beses kada linggo at hindi kinakalimutang inumin ang kanyang mga gamot.
Sinabi niya na iniuugnay ang red meat sa pagtaas ng tyansa na magkaroon ng colon cancer kaya payo niya, bawasan ito at damihan ang kinakaing isda at gulay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.