12 katao inararo ng trak: 3 patay, 9 sugatan
TATLO katao ang nasawi at siyam pa ang nasugatan nang araruhin ng tumagilid na trak sa Alitagtag, Batangas, Miyerkules ng madaling-araw.
Dead on arrival sa ospital sina Armando Atienza, 50; Michael Adaya, 43; at Ligaya De Guzman, 71, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Nakilala ang mga sugatan bilang sina Joseph Esguerra, 45; Joel Bejasa, 46; Ruel Ylagan, 43; Lionel Ylagan, 32; Jesser Lou De Leon, 27; Cedrick Johnsen Quitain, 20; Nolie Saga, 16; Joel Patulot, 48; at Arsenio Vergara, 77.
Dinala sila sa mga pagamutan sa bayan ng Taal at Lemery para malunasan.
Naganap ang insidente sa Brgy. San Jose, dakong alas-12:35.
Dumadaan noon sa naturang barangay ang 6-wheeler Mitsubishi Canter truck (RKB-937) na kargado ng aabot sa 150 sako ng feeds.
Minamaneho ni Jearland Del Mundo ang trak patungong Santa Teresita.
Lumabas sa imbestigasyon na sinubukang unahan ni Del Mundo ang sasakyan sa kanyang unahan, ngunt nawalan ng kontrol sa manibela hanggang sa tumagilid pakaliwa ang trak.
Bukod sa mga nasawi’t nasugatan, napinsala ang dalawang motorsiklo at isang kotse.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y pinaghahanap pa ang truck driver, na tumakas matapos ang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.