Komunista challenge | Bandera

Komunista challenge

Lito Bautista - October 18, 2019 - 12:15 AM

NANGATWIRAN silang parang mga tanga at pinagdimlan ang bulag na kalooban. Sila’y mga lokong nagmamarunong. Ang Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Rom 1:16-25; Sal 19:2-5; Lc 11:37-41) sa Paggunita kay Santa Teresa de Jesus, dalaga’t pantas ng simbahan.
***
Matalino kung ituring si Sal Panelo, bigong tagapagtanggol ni Antonio Sanchez. Ayaw kong maniwala na tanga siya, base sa Unang Pagbasa, nang tanggapin niya ang commute challenge ng komunista, ang grupong nagpalugmok sa buhay sa Northern Mindanao, Negros, Samar, Southern Leyte, Bicol, Quezon, Bataan at Abra (basang sisiw na sila sa Bulacan). Nang patulan niya ang hamon, naging bagong propaganda lang siya ng mga komunista. Nakalatag na plano na pala ang commute dahil ang maraming komunista sa Kamara ay may nakahandang panukalang batas para mag-commute ang mga opisyal ng gobyerno tuwing Lunes. Nasakop na rin ng komunista ang UP dahil sa bagong kurso na “Philippine Studies 21: Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar Pilipinas.” Komunista pag estudyante, burgis pag nakatapos na.
***
Sa hilagang-silangan ng Bulacan, hindi nagko-commute ang mga komunista dahil sa mahigpit na checkpoint ng pulis at militar. Nakasakay ang mga ito sa pribadong kotse, family wagon, o van; at tinted pa. Binigyan ng taumbayan ng mga retrato na kuha mula sa cellphone ang mga pulis at militar, kaya natatandaan na ang kanilang mukha at kilala na rin sila. Lumilikas na sila pa-Aurora, Isabela at Quirino, mga lalawigang lugmok at walang pera ang taumbayan, pero ginagamit sila ng ilang politiko bilang private army. Lumalaban na ang Bulakeno, lalo pa’t ang trabaho at malaking pag-unlad ay magmumula sa pinakamalaking international airport sa Asean. Ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa mga itinakda ng Diyos; at lalapatan ng parusa ang sinumang lumaban. Roma 13:2.
***
Hindi kalbaryo ang mag-commute kung ang gamit ay motorsiklo, na nadiskubre ko noong 2008, nang tumagal ang biyahe mula San Jose del Monte hanggang Chino Roces, Makati. Hanggang ngayon, na tumutukod na ang trapik, 1.5 oras hanggang 2 oras lang ang biyahe. Sa kotse, 4-6 na oras ang biyahe. Sina Sen. Bong Go at Rep Charito Plaza ay nagmomotor. Semplang? Aksidente? Kamatayan? Tanging ang mga riders lang ang handa sa mga pagsubok at mangyayari sa buhay. Ang pagbalanse sa motor ay hugot para sa pagbalanse sa buhay. Ang kamatayan ay hindi kinatatakutan, bagkus pinaghahandaan.
***
Heto na naman ang MMDA, parang sirang plaka. Welcome na naman daw ang “other ideas and proposals to help solve Metro Manila’s gigantic traffic problem.” Ang rebeldeng Danilo Lim ang pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority, wala siyang ideya? Malaki ang suweldo niya mula sa taumbayan, walang bitamina ang kanyang utak? Ang taumbayan ang pinahihirapan ni Lim; wala ka bang utang na loob (kahit na wala yan sa aklat ng rebelyon)?
***
Mahal ko kayo. Iyan ang sabi ni Rep. Edgar Erice sa kanyang lingguhang presensiya sa North Caloocan. Libre naman ang mangarap na maging mayor. Maliit na lang ang kita ng mayor, di tulad ng kinikita ni Erice sa minahan. Ang malalaking negosyante ay di na nagpapadala ng karitilya ng pera. Wa-is na rin. Pero, kung hangad ni Erice ay tunay na paglilingkod, oks yan. Alam mo naman ang mundo. Gumagalaw yan pag may pampatalino. Pera.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa San Jose, Paombong, Bulacan): Meron pa ring mga pamilya na namumuhay sa tensyon bunsod ng lumang sigalot, kahit sa kasagsagan ng edad. Dahil malalim ang sigalot, at ilan ay nauwi pa sa karahasan, mas lalong lumala ang pagkamuhi at galit ng dalawang kampo, magkakamag-anak man o hindi. Tila walang kapatawaran, na nauunawaan din ng simbahan. Wala pang hidwaan na naihihinto agad. Tanging sa paglakad ng panahon lang huhupa at maaaring magkaron ng kapatawaran.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Santo Nino, Paombong, Bulacan): Madaling ihayag ang kahirapan. Ang kahirapan ay kailangang naranasan, kung maaari ay sa matagal na panahon. Sa karanasan ng paghihikahos, may nasusugatan. May naiwang pilat sa paglaban sa karukhaan. Nasaksihan din ang pakikipaglabang mag-isa at halos wala nang tumulong o masulingan. Ang mga kabiguan ay gawing inspirasyon ng pagsisikap. Ang tagumpay ay di pa hudyat ng pamamahinga.
***
PANALANGIN: Inang Maria, aming tagapagtanggol, huwag mo kaming pababayaan. Fr. Mar Ladra, SVD, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Meron ding ninja cops dito. Tricycle driver lang ako at di ko kayang ituro sila. …4387, Fatima, GenSan

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending