Aga umamin: Hindi mawawala ang pagtingin ko sa iba, lalaki ako
KINUKULIT ng ilang members ng entertainment press sina Aga Muhlach at Alice Dixson kung gaano katindi ang love scene nila sa pelikulang “NUUK” na idinirek ni Veronica “Roni” Velasco under Viva Films.
Imposible nga naman kasing walang love scene o pampainit sa isang lugar na puro yelo. Sa Greenland kasi kinunan ang halos 80 percent ng pelikula.
Nu’ng una ay tatawa-tawa lang sina Aga at Alice, pero hindi na rin nila naiwasan ang tanong at inaming very passionate ang kanilang intimate scenes sa “NUUK”.
Sabi ni Alice, “Well may bed. Ha-hahaha! May sheets, mainit. It was passionate actually, it was tender and passionate. It was longing, kulang pa ba? Pero ang question, ano ang suot ni Aga sa ilalim ng (bed) sheet. Ha-hahaha!”
Ayon naman kay Aga, “’Yun na ‘yun! Dami ko ng nagawang pelikula na there’s always love scene. For me the love scene is not the story of the movie, parang it’s just normal.”
Mahirap bang gumawa ng love scene sa isang sub-zero place, “Well it happened here (na) sa Dakak (beach resort sa Davao) and kasi may istorya ‘yun.
“‘Yung sa Greenland naman, puro personal lang ‘yun, puro patingin-tingin lang kay Alice no’n, ini-imagine lang,” paliwanag ni Aga.
Hindi pala sa Nuuk nangyari ang love scene nina Aga at Alice at iyon daw ang dapat panoorin kung bakit.
Samantala, inamin ni Alice na hindi niya malilimutan ang experience niya habang ginagawa ang “NUUK” dahil dito niya naranasan na pagkatapos ng shoot ay magkakasama pa rin silang lahat pati staff and crew at may mga videoke session pa sila sa boat.
Unlike sa ibang pelikula niya na pagkatapos ng shooting ay kanya-kanyang uwian na.
Pareho nang 50 years old na sina Aga at Alice kaya tinanong sila kung naniniwala sila na at 50 ay posible pang magkaroon ng new romance “on the side.”
“On the side? Ha-hahaha! Patay tayo diyan!” tumatawang sagot ng aktor.
Dagdag pa niya, “Masaya na ako sa katayuan ko ngayon, pero ‘yung mga on the side hindi mawawala ang pagtingin ko sa iba, lalaki ako, eh. Pag nakakita ako ng magandang tao, nagagandahan talaga ako.
“Hindi ko naman inaalis ‘yun kahit sa asawa (Charlene Gonzales-Muhlach) ko at alam din ng mga anak ko yan (Atasha at Andres), kahit din sa mga kaibigan ko. Pag maganda, maganda talaga,” aniya pa.
Say naman ni Alice na nagpa-cute sa kanyang sagot, “Para sa akin, sure! Kasi siyempre lagi ninyo akong iniipit diyan. Sa akin why not coconut.”
Samantala, inabot ng 22 days sa NUUK, Greenland sina Aga at Alice at aminado silang nakakabaliw doon dahil sobrang tahimik at inamin din na maraming taong nawawala sa ulirat doon dahil nga wala kang makausap, lahat kasi ng tao roon ay may trabaho.
Dagdag kuwento ni direk Roni, “Doon kapag umuwi kang nakainom at nakatulog ka sa labas ng bahay mo, puwede kang mamatay na (dahil sa sobrang lamig).
“Kaya ‘yung mga nurses doon o doctor, sanay na kapag may tumawag sa kanila na nagre-report na may taong nakahandusay doon, susunduin na lang ng ambulance,” paliwanag pa ng direktor.
Sa trailer pa lang ng pelikula nina Aga at Alice mapapaisip ka na kung ano ba talaga ang magiging relasyon nila at kung bakit biglang nagulo ang buhay nila mula nang magkrus ang landas nila sa NUUK.
Sabi nga ni Aga, marami siyang nababasang comments mula sa netizens tungkol sa twist ng karakter niya sa pelikula pero aniya, kailangang mapanood muna nila ang kabuuan nito dahil siguradong magugulat ang lahat.
Malalaman din ng mga Pinoy ang buhay ng mga tao sa NUUK kapag ipinalabas na ito sa Nob. 6 handog ng Viva Films.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.