Tirso bidang-bida sa ‘thank you speech’ ni Maja sa Busan
Tumatak sa mga Pinoy ang seryeng Wildflower na pinagbibidahan ni Maja Salvador. Matagal na umere ang programa pero hindi nainip ang manonood dahil sa mga ekenang makapigil-hininga.
Ipinanalo ni Maja Salvador bilang best actress ang mapaghamong role niya bilang si Ivy Aguas nu’ng una na naging si Lily Cruz na sa kanyang pagbabalik sa First Asia Contents Awards na ginanap sa Busan, South Korea.
Dapat lang namang maregaluhan ang ipinakitang pagganap ng aktres sa Wildflower. Naging bukambibig siya nu’n, ginagaya ng mga becki ang kanyang mga eksena sa serye, mas pinagningning ng palabas ang pangalang Maja Salvador.
Marami siyang pinasalamatan nang tanggapin niya ang parangal sa Busan, pero ang mas binigyan niya ng diin at matinding pasasalamat-paghanga ay ang tinawag niyang “veteran genius,” na si Tirso Cruz III.
Sobrang pinahirapan siya ng dating matinee idol sa Wildflower, ang kawalanghiyaan nito bilang kontrabida ang mas nagpaangat sa talento ni Maja, sa kanyang pananaw ay si Pip ang humamon sa kanyang kapasidad para mas galingan pa niya sa serye.
Totoong-totoo naman dahil sa katatapos lang na The General’s Daughter ay nagmarka rin ang papel ni Tirso Cruz III bilang ang walang kasinghalang ang kaluluwang si Tiago.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.