Korina, Kuya Kim, Dyan sanib-pwersa sa public service para sa mga kabataan
MAS inspirado at ganadong maglaro ng sports ang mga kabataan sa Brgy. Sto. Rosario-Silangan sa Pateros dahil sa pagpapaayos na ginawa ng mga programang Rated K, Matanglawin at Sports U sa kanilang basketball court.
Ibinandera ng ABS-CBN, sa pangunguna ng anchors na sina Korina Sanchez-Roxas, Kuya Kim Atienza at Dyan Castillejo, ang pinagandang court sa barangay kamakailan lang. Nasubukan naman ito agad ng Batang Silangan basketball team na nakalaro pa ang kampeon ng Maharlika Pilipinas Basketball League na San Juan Knights, ang mga pambato ng Pilipinas sa 3×3 basketball, at ang Kapamilya artist na si Young JV.
Sabi ng manlalaro na si Gabriel Diesma, mas nae-enjoy na nilang maglaro ngayon dahil ligtas nang gamitin ang court, “Iwas disgrasya. Walang lubak at hindi madulas ang sahig.”
Dagdag pa ng teammate niyang si Dwayne Magallanes, dinarayo na rin ito ng mga taga-ibang barangay.
Bukod kasi sa pulidong pasilidad, may magagandang mural ding ipininta sa paligid ng court ang grupong Mural PH na nakakadagdag pa sa ganda ng lugar.
Ayon kay ABS-CBN News ecosystem head Ces Drilon, naisip nilang gawin ang proyekto upang makapaglingkod sa mga Pilipino maliban sa karaniwang paghahatid ng balita at aliw ng Kapamilya network.
“Gusto naming mag-iwan sa kanila ng isang bagay na magmamarka sa kanilang buhay. Sa pagpapaayos ng court, binibigyan natin sila ng lugar kung saan pwede silang magsama-sama at maging aktibo para sa kanilang kalusugan,” aniya.
Sa pagdating ng Rated K, Matanglawin at Sports U sa kanilang bagong court, may dalang kanya-kanyang gimik at handog sa mga taga-Silangan ang bawat programa. Namigay ng mga tsinelas sa mga bata si Korina, ipinakilala rin ni Kuya Kim ang kanyang exotic pets, at nanguna naman sa Zumba si Dyan.
Bago pa ang basketball makeover sa Pateros, nagsanib-pwersa na rin ang mga programa nina Korina, Kuya Kim at Dyan sa pagbibida sa mga kabataang may kahanga-hangang galing at kabutihang asal sa kampanyang “Ayos Ka Kid.” Ani Ces, marami pa silang proyekto kung saan maghahatid sila ng saya at inspirasyon hindi lang sa mga bata kundi sa buong pamilya.
Mapapanood sa ABS-CBN ang Sports U tuwing Huwebes after Bandila, habang ang Matanglawin tuwing 9:45 a.m. ng Linggo at Rated K tuwing 6 p.m. ng Linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.