Duterte muling bibisita sa Russia matapos maputol ang naunang biyahe dahil sa Marawi siege
INIHAYAG ng Palasyo ang nakatakdang pagbisita muli ni Pangulong Duterte sa Russia matapos naman maputol ang kanyang nakaraang biyahe sa naturang bansa dahil sa Marawi siege noong Mayo 23, 2017.
Sinabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nakatakda ang biyahe ni Duterte pa-Russia sa Oktubre.
“Ang sabi niya ay inimbitahan siya ni Russian President (Vladimir Putin) at tinanggap na niya. Ia-announce niya na lang kung ano ang mangyayari doon,” sabi ni Panelo.
Idinagdag ni Panelo na bagamat wala pang pinal na petsa, maaaring gawin ito sa unang linggo ng Oktubre.
Ipinagtanggol din ni Panelo ang muling pagbisita ni Duterte sa Russia, sa pagsasabing magbebenepisyo ito sa bansa.
“Siyempre, when you visit a country other than yours, it means you are trying to improve the relations, di ba? Yon. It could mean further improved relations between the two countries,” ayon pa kay Panelo.
Matatandaang napilitang umuwi si Duterte sa bansa at putulin ang biyahe sa Russia noong Mayo 2017 matapos namang pasukin ng mga miyembro ng Maute Group at Abu Sayyaf ang Marawi kung saan tumagal ng limang buwan ang bakbakan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.