Ex-PBB housemate bagong partner ni Paulo sa ‘Parasite Island’

September 12,2019
share this

Ex-PBB housemate bagong partner ni Paulo sa ‘Parasite Island’

September 12,2019
share this


MASWERTE ang dating Pinoy Big Brother Otso housemate na si Kaori Oinuma dahil pagkalabas ng Bahay ni Kuya ay binigyan agad siya ng project ng ABS-CBN.

Ang half-Pinay, half-Japanese ang itinanghal na 8th Big Placer sa Kapamilya reality show at kasama nga siya sa pinakabagong weekly suspense-drama series mula sa Dreamscape Entertainment na Parasite Island kung saan makakatambal niya ang Hashtag member na si Paulo Angeles.

“Siyempre po bilang ito ‘yung first time ko sa pag-acting, sobrang thankful po ako sa Dreamscape at sa ABS-CBN kasi nabigyan po ako ng opportunity na matupad ko ‘yung pangarap ko,” pahayag ni Kaori sa nakaraang presscon ng Parasite Island.

“And ‘yung mga nakakasama ko rin po dito, sobrang thankful din po ako sa kanila kasi gina-guide nila ako,” aniya pa.

Kumusta naman ang pagtatambal nila ni Paulo? “Noong unang kita ko sa kanya hindi ko alam kung paano ako mag-a-approach, so ‘hello po, hello po.’ Pero habang tumatagal, habang kasama ko siya, kapag may scene po, okay po. Naga-guide niya rin po ako, nagpapatulong rin po ako para mas gumaling din ang pag-arte ko,” kuwento ng bagets.

Samantala, trending at pinag-usapan agad ng mga manonood ang Parasite Island dahil sa kakaiba at mahiwagang kuwento nito na nagsimula nang umere nitong nagdaang Sept. 8. Wagi rin ito sa rating matapos makapagtala ng national TV rating na 30%, base sa datos ng Kantar Media.

Iikot ang kuwento sa isang magaling na paramedic na si Jessie (Rafael Rosell) na lumaking pasaway matapos siyang sisihin sa pagkamatay ng tatay niya nang salbahin siya nito mula sa pagkalunod sa lawa sa isla ng El Cuerpo.

Hindi man si Jessie ang may kasalanan, siya pa rin ang itinuturong dahilan nito ng kanyang mga kapatid kahit na sinabi na ni Jessie na isang babaeng puro linta ang pumatay sa kanyang ama.

Higit dalawang dekada na ang lumipas nang mangyari ito, ngunit binabagabag pa rin si Jessie ng kanyang konsensya dahil sa nangyari sa ama. Nagtuloy-tuloy pa ang pagiging lasenggo ni Jessie na siya ring naging dahilan ng pagkawasak ng sarili niyang pamilya at relasyon sa asawang si Janelle (Ria Atayde).

Sa pagsapit ng ika-70 na kaarawan ng kanyang inang si Daria (Liza Lorena), umuwi si Jessie sa El Cuerpo at ang mga sakim niyang kapatid na sina Warren (Michael Flores) at Gary (Bernard Palanca), na ang tanging gusto lamang ay ipamana sa kanila ang malaking bahagi ng kayamanan ng kanilang ina.

Pagkatapos ng selebrasyon, matutuklasan ang totoong intensyon ng bawat miyembro ng pamilya, samantalang magsisimula na ang pagsakop ng kakaibang epidemya.

Sa kabila ng nakakahawang kondisyon, masusubukan ang pag-aaruga nila sa kapwa at ang tunay na pagmamahal nila para sa kanilang pamilya.

Ang trahedyang dala ng mga linta na ba ang maging sagot sa paghilom ng kanilang mga sugat, o maging mitsa lamang ito ng tumitinding inggitan at alitan sa buong mag-anak?

Kasama rin sa latest offering ng Dreamscape Entertainment sina Desiree del Valle, Zeppi Borromeo, Fino Herrera, Charlie Dizon, Ian Galliguez at Bianca Manalo, sa direksyon nina Avel Sunpongco and Richard Arellano.

Tutukan ang Parasite Island, tuwing Linggo, 7 p.m. sa ABS-CBN after Rated K.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending