Rapist patayin na lang | Bandera

Rapist patayin na lang

Lito Bautista - September 06, 2019 - 12:15 AM

HINDI tayo kakampi ng gabi’t kadiliman. Manatili tayong gising at hulas. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Tes 5:1-6, 9-11; Sal 27:1, 4, 13-14; Lc 4:31-37), Martes sa ika-22 linggo ng taon, sa Paggunita kay San Gregorio magno, papa at pantas ng simbahan.
***
Ipinakita ng taumbayan ang pagiging hulas at gising nang mag-alsa laban sa nakatakdang paglaya ng rapist/murderer na si Antonio Sanchez, kaya naudlot ang malaking pagdiriwang sa Calauan, Laguna. Agad pinakinggan, at sinunod, ni Pangulong Duterte ang vox populi. Sa Pagninilay sa Lucas 4:31-37, ang demonyo, bagaman sumusuko dahil alam niyang hindi siya magtatagumpay laban sa Diyos, ay nananatiling kaaway ng liwanag. At kahit kailan, hindi hihingi ng kapatawaran ang demonyo sa Diyos, na muling napatunayan sa pagdinig sa Senado.
***
Sa Ebanghelyo (Lucas 4:16-30) sa unang araw ng pagdinig sa Senado, mistulang naging Diyos si Nicanor Faeldon at mga opisyal niya dahil “isinugo” sila upang ipahayag ang paglaya ng mga bilanggo, bilang patunay sa kabutihang magluwag ang masikip na bilangguan. At marami pa nga ang pinalaya, pero masikip pa rin ang Munti. Ang pagpapaluwag ng bilangguan ay binalangkas ng isa pang nasa karimlan, si Leila de Lima, sa IRR ng Good Conduct Time Allowance (Republic Act 10592). Marami na ang nakalaya at marami pa ang lalaya (ito ang dahilan ng pagnanais na agad amyendahan ang IRR. Pero, ano nga ba ang nasa isip ni De Lima nang gawin niya ito at guluhin ang batas?).
***
Tulad ng rapist na umuwi sa kanyang pamilya sa North Caloocan, ilang buwan bago pa man itinakda ang paglaya ni Sanchez. Gising at hulas ang kapitbahayan kaya’t simbilis ang pagkalat ng apoy ng balitang nariyan na ang dayukdok na hayok. Binalaan agad ng mga magulang ang kanilang sisiw na dalaginding, ang paboritong dagitin ng rapist. Bukod sa paalala ng pag-iingat, inihanda ng kapitbahayan ang kanilang mga baril at itak. May nag-imbak ng isang galon ng gasolina para silaban ang bahay ng rapist o ang rapist mismo. Masidhing pagmamatyag, na sinang-ayunan naman ng mga tanod ng barangay.
***
Tikom ang mga huwes sa media sa pagpapalaya ng kanilang hinatulan. Hindi kumikibo ang mga justices ng Supreme Court dahil bahagi iyan ng kanilang mandato. Hindi madali ang paghatol sa rapist bagaman hindi kailangan ang maraming ebidensiya, kundi ang walang kagatul-gatol na testimonya ng biktima. Nag-iisip ang mga pulis. Kung ibinebenta ang pagpapalaya sa Munti, para sa tiwaling mga pulis, sila na lang ang gagawa nito para sila na rin ang magkapera. Para sa mga huwes at piskal, malaking bagabag ang paglaya ng kanilang mga hinatulan. Tiyak na babalikan sila ng mga ito sa takdang panahon at pagkakataon. Kahit na ilang armadong mga huwes at piskal ay nangangamba rin laban sa determinadong kondenado. Hindi natutulog ang demonyo.
***
Hindi magbabayad ng iniutos na danyos ang pamilya Sanchez dahil walang kasalanan daw ang patriarka. Teka. May narinig din ang taumbayan na di isosoli ang milyones na ipinasosoli ng Sandiganbayan dahil wala rin siyang kasalanan. At nagkita pa sila sa malaking pagtitipon. One way lang kapag pera: papasok. Tulad din ng network na may malaking utang. Di na magbabayad dahil inilista na sa tubig.
***
UST (Usapang Senior sa Talakayan sa Barangay Encanto, Angat, Bulacan): Tatlong mayayaman sa maliit na umpukan. Dapat bang ipadama o ipakita ang kayamanan, tulad ng bagong kotse gayung amoy lupa na? Kailangan bang mas nakahihigit kesa katabi? Pangangailangan ba ang pagkakaroon ng mamahaling cellphone, gayung text, call at games lang ang kayang gawin? May pananaw na malaya ang senior na ipakita ang kanyang nais. Kawawa naman ang walang maipakikitang di naman madadala sa hukay.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Barangay Santo Cristo, Angat, Bulacan): Trapik na sa Bulacan, lalo na sa bahaging timog at sentro. Napagtitiisan at binabata ng lowlands ang baha, pero hindi ang trapik. Ayon sa tala ng umpukan, oras at pera ang nauubos sa trapik. Lalo na sa pinakahihintay at pagbukas ng pinakamalaking kaunlaran: ang international airport sa Bulakan, Bulacan.
***
PANALANGIN: Makapangyarihang San Miguel, prinsipe ng kalangitan, tuwina’y ilayo at ipagsanggalang kami. Fr.Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
qqq
MULA sa bayan (0916-5401958): Human rights? Pati rapist may rights? …1876, Bangkerohan, DC.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending