#Tilian sa sinehan: Abandoned' nina Beauty at Seth sa iWant tagumpay sa pananakot | Bandera

#Tilian sa sinehan: Abandoned’ nina Beauty at Seth sa iWant tagumpay sa pananakot

Ervin Santiago - September 01, 2019 - 12:28 AM

BEAUTY GONZALES

NAPANOOD na namin ang latest digital psycho-horror movie ng iWant na “Abandoned” na pinagbibidahan ng Kadenang Ginto stars na sina Beauty Gonzalez at Seth Fedelin.

Nakakaloka! Grabe pala talaga ang mga takutan scenes sa pelikula, mula simula yata hanggang katapusan ay feel na feel mo ang matinding kaba dahil hindi mo nga alam kung ano ang susunod na mga mangyayari sa kuwento.

In fairness, ilang beses kaming napasigaw at napaigtad sa upuan dahil sa mga panggulat at pananakot ng award-winning director ng “Abandoned” na si Kip Oebanda. ‘Yung mga eksenang bigla ka na lang mapapatili dahil hindi mo aakalin na du’n ka pala tatakutin ni Direk.

Iikot ang kuwento ng “Abandoned” sa single mother na si Simone (Beauty) na isa ring security guard. Hindi siya pinatatahimik ng kanyang kunsensya matapos mapatay ang lahat ng mga kasamahan niya sa trabaho dahil sa holdapang naganap sa bankong pinagtatrabuhan niya. 

Sa halip na tulungan at gawin ang kanyang trabaho bilang guard, mas pinili niyang tumakas para mabuhay dahil sa anak niyang si RJ (Seth).

At dahil sa nangyari, mapipilitan siyang tanggapin ang alok ng kanyang boss na ma-assign sa isang abandonadong building na dating ospital na sinasabing pinasunog talaga ng may-ari para iaalay ang lahat ng mga pasyente at doktor na naroon sa kampon ng demonyo kapalit ng kayamanan. 

Ayon sa kuwento, nagmumulto ang mga nurse at batang pasyente sa haunted hospital kaya walang tumatagal na security guard sa pagbabantay nito. 

Pero dahil kailangan niya ng trabaho at pera para buhayin ang kanyang anak, tatanggapin ni Simone ang trabaho. At dito na nga niya madidiskubre kung ano ba talaga ang tunay na naganap sa nasunog na ospital.

Hanggang sa maapektuhan na ng mga misteryosong sikreto ng ospital ang buhay ni Simone dahil sa kabila ng mga ito, kailangan niyang harapin ang mga karanasan at takot niya sa buhay na muling mapupukaw ng mga multo at unti-unting sisira sa relasyon nilang mag-ina.

Bukod sa matinding katatakutan, siguradong makaka-relate ang mga magulang sa mga pagdaraanang pagsubok nina Beauty at Seth bilang mag-ina sa pelikula. Dito masusubok kung hanggang saan ang kayang gawin ng isang nanay para sa kapakanan ng kanyang anak. Sabi nga ng ilang nakausap namin matapos mapanood ang pelikula, ito ang psycho-horror movie na may puso.

Dito muling pinatunayan ni Beauty na isa na siyang tunay na aktres. Tamang-tama ang timpla ng akting niya mula sa pagiging mapagmahal na ina hanggang sa mga eksena kung saan ginugulo na siya ng mga ligaw at hindi matahimik na kaluluwa. Hindi kami magtataka kung magsunud-sunod na ang offer sa kanya para gumawa ng horror films.

At siyempre, gusto naming palakpakan ang baguhang teen actor na si Seth Fedelin na produkto rin ng Pinoy Big Brother Otso. For a newcomer, pasadung-pasado na sa amin ang kanyang akting bilang anak ni Beauty na gagawin ang lahat para makatulong sa kanyang ina.

Nakakagulat din ang twist sa karakter ni Seth na nabigyan naman niya ng hustisya. Marami ang nagsasabi na malaki ang pagkakahawig niya kay Daniel Padilla lalo na sa pagsasalita, pero matapos naming mapanood ang “Abandoned” naniniwala kami na makagagawa ng sarili niyang tatak sa showbiz ang bagets.

Ang “Abandoned” ay isinulat at idinirek ni Kip Oebanda, na siya ring writer-director ng award-winning films na “Liway,” “Nay,” at “Bar Boys” at mula sa produksyon ng Dreamscape Digital at Quantum Films for iWant.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Napapanood na ang “Abandoned” sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending