SA araw-araw na ginawa ng Maykapal, nakikita at nasisita natin ang walang disiplinang istilo ng pagmamaneho ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa.
Hihinto sa gitna ng lansangan para magbaba at magsakay ng pasahero, bawat kanto ay pinaparahan, at para bang sadyang gumagawa ng trapik sa tuwing sila ay pumapasada.
Hindi natin maintindihan ang ganitong ugali ng pagmamaneho gayong nakikita naman nating lahat, pati yung mga barumbadong driver ng jeep at bus, na perwisyo na sila sa lansa-ngan.
So pinuntahan ko yung iligal na terminal ng bus at jeep sa Quezon Memorial Circle at nakipaghuntahan ako sa mga drayber doon.
Medyo nagulat ako sa kuwento nila sa atin.
Pasahero, kita at boundary ang puno at dulo ng kanilang bastos na istilo ng pagmamaneho.
Lagi silang naghahabol ng pasahero para maabot nila ang karampatang kita para sa boundary nila, gastos sa krudo at langis at siyempre para may mai-uwi sa pamilya nila.
Bawat pasahero ay mahalaga sa mga drayber na ito dahil maliit lang naman ang kita nila at mas madaming pasahero, mas malaki ang kanilang kikitain.
Humihinto sila sa gitna ng lansangan dahil “strategic” ito sa kanilang pasada.
Kailangan nila harangan yung mga ibang jeep at bus sa likod nila para yung pasahero sa bandang harapan ay sa kanila pa rin sumakay.
“Minsan sinasadya naming magpa-trapik para mabilis namin mapuntahan yung pasahero sa susunod na kanto at hindi maagaw nung nasa likod namin,” sabi ni Oslec Ramos, isang jeepney drayber sa rutang Fairview-EDSA Quezon Ave.
Ang mga bus naman ay ganun din. Balagbag sa daan dahil kailangan mapuno ang bus para maabot ang boundary at krudo.
Bunga ito ng boundary system na siyang pinagkukunan ng kita ng isang drayber ng bus, jeep at taxi sa Pilipinas. Walang matinong suweldo ang mga drayber ng public utility vehicles sa ating bansa, parang komisyon ang kita nila. Sagot pa ng driver ang krudo o gasolina at langis ng mga sasakyan nila.
Mayroon ng batas na nagsasabi na dapat ay suwelduhan na ang mga drayber ng bus pero hindi ito nasusunod hanggang ngayon. Katwiran ng mga operators mas gusto daw ng mga drayber nila na boundary system sila. Pero sabi ng mga kakilala kong bus driver, mas gusto nila ang suweldo sana dahil sigurado na sila sa kikitain nila at hindi na nila kailangan maghabol ng kita.
Wala pang batas tungkol sa suweldo ng mga dryaber ng jeep.
Sa suma total, pagpapatupad pa rin ng batas ang solusyon sa problemang ito, dahil ang lansangan natin ngayon ay napupuno ng anarkiya sa pagkabigo ng halos lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko.
Para sa komento at suhestiyon sumulat lamang sa [email protected] o kaya sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.