Antonio Sanchez, pinagpala | Bandera

Antonio Sanchez, pinagpala

Lito Bautista - August 30, 2019 - 12:15 AM

PINAGPAPALA pa ang masasama. Binibigyang halaga ang mga “bigatin.” Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 66:18-21; Sal 117:1-2; Heb 12:5-7, 11-13; Lc 13:22-30) sa ika-21 Linggo ng karaniwang panahon.
***
Kung noong panahon ni Kristo ay espesyal ang mga bigatin sa lipunan at pinagpapala pa ang masasama, mas lalo ngayon. Maalwan ang buhay sa “bilangguang” walang rehas ni Antonio Sanchez, solo silid, mas malawak pa kesa solitary cell sa Amerika. Naging batas ang RA 10592 noong panahon ni BS Aquino 3 at wala sa himagas ang namatay na SAF 44 at mas maraming nanigas sa Dengvaxia. Tila pasadya sa sastre ang batas, na magagamit para makalaya si Sanchez, kundi lamang inalmahan ng taumbayan, maliban sa pangkalahatang simbahang Katolika (ilang parokya sa diocese ng Malolos at Cubao ang kumondena sa planong pagpapalaya pero walang binanggit na pangalan; nahihiya ba o baka bumalik sa kanila dahil rape ang kaso?).
qqq
Bitay pa nga ang sigaw ng nagngangalit na taumbayan sa karumaldumal na rape. Ang bitay ay sinasang-ayunan ng Catechism of the Catholic Church talata 2265-2267: “Assuming that the guilty party’s identity and responsibility have been fully determined, the traditional teaching of the Church does not exclude recourse to the death penalty.” Itinuturo rin ng simbahan na bigyan ng pagkakataong magbago ang kondenado. Makapagbabago ba ang ayaw magsisi? Sa kasulatan ng mga relihiyon, di lamang ng Katolika Romana, nakasaad at tukoy ang mga kasalanang “nonredeemable.” Pangunahin ang rape at murder. Inusig si Cain sa salang pagpatay; at di pinatawad.
***
Turan ng RA 10592 ang nagpakabait na bilanggo. Sa unang dalawang taon, “20 days reduction for every month of good behavior.” Sa ikatlo-ikalimang taon ng pagpapakabait, “reduction of 23 days for each month of good behavior.” Sa ikaapat hanggang ika-10, “25 days deduction for each month of good behavior.” Sa ika-11 at susunod na mga taon, “deduction of 35 days for each month of good behavior.” At ang bonus: “Additional 15 days deduction for each month of study, teaching or mentoring time rendered.” Susmaryosep! Ibinilanggo pa gayung paiigsiin lang pala ang sentensiya. Pabor pala ang batas ni Aquino sa demonyo (halimaw pa nga kung tawagin ng mga grupong kababaihan).
***
Aha, para raw mabigyan ng pangalawang pagkakataon. Hindi pa nga nakalalaya, may nakahanda nang pangalawang pagkakataon. “Huwag mo nang uulitin yan,” anang tatay pagkatapos paluin ang nagkasalang anak (Heb 12:7). Umiyak ang anak, inamin ang sala at nangakong di na uulit. Hindi umamin si Sanchez at wala raw siyang dapat pagsisihan, gayung inamin niya na napagsilbihan na niya ang 40 taon; mahigit pa nga at dapat na siyang makalaya gamit ang batas ni Aquino, aniya. Pinagdusahan na raw niya ang sentensiya, na di dapat sa kanya. Ha?! Malabo pa sa sabaw ng pusit yan.
qqq
Malikot ang pag-iisip ng ilan hinggil sa peste sa baboy. Sa pamamayagpag ng magkasanib na US Army-CIA covert operation sa Latin America at Caribbean, ipinadala ang peste sa Cuba bago sumiklab ang sigalot. Ang pakay ng US, pilayin ang ekonomiya ni Fidel Castro. Sumunod na nag-develop ng peste sa agrikultura ay ang Russia. Nang tamaan ng peste ng baboy ang China, isinisi ito sa Russia, na may malawak at sari-saring bio-warfare programs. Nagbabala at naghanda ang Pinas kontra karneng China. Ngayon, nasa Pinas na ang peste. Made in China?
***
UST (Usapang Senior sa Talakayan sa Barangay San Agustin, Hagonoy, Bulacan): Sensitibo ang tema kung nagbunga na nga ang buhay ng senior citizen pagkatapos ng 30-40 taon ng pagsisikap. Para maunawaan agad ang talakayan, di isinama sa umpukan ang upper middle class, o ang may kaya at mayaman. Masigla ang usapan kapag ang tinatalakay ay ang perang nakamit o naipon habang di pa sumasapit ng 60. May nakabili ng palaisdaan, pero mas malaki pala ang panganib ng puhunan. Meron nga bang bunga ang pagsisikap? Napakinabangan ba ang bunga? O nasa isang palad na lang ang natira?
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Barangay Lumang Bayan, San Jose del Monte City, Bulacan): Sino na naman ang buntis na tinedyer? Tila karaniwan na lang ang balita’t tanawin na may buntis na tinedyer sa paligid. Pero, bakit tila malaking balita kung ang bagong buntis na tinedyer ay mula sa kilalang pamilya o angkan? Bakit mas magandang balita kung nabuntis nang walang ama? O kundi’y nagulo at nasadlak sa sigalot ang tahimik na pamilya bunsod ng nabuntis na tinedyer?
Malaki na nga ang mali sa lipunan at ang tinedyer na buntis ay tanggap na at absuwelto ang mga magulang. Ang hayagang pakikipagrelasyon at pagpapalit ng karelasyon ay mapapanood sa TV. Ang hindi alam ng mga tinedyer ay ang pagbubuntis, hanggang…
***
PANALANGIN: Makapangyarihang prinsipe ng kalangitan, San Miguel, tulungan mo kaming mapagtagumpayan ang lahat ng kasamaan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Matagal mag-release ng postal ID sa Zamboanga City. Sa Maynila pa raw ginagawa. Ilang buwan ba ang paghihintay namin? …2041

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending