MAGANDANG buhay po. Magtatanong lang po ako kung pwede ako mag-apply ng SSS student loan or scholarship program sa SSS. Mag-aanim na taon na po akong nagtatrabaho sa company. Balak ko pong mag-resign at ipagpatuloy ko po ang aking pag aaral. Hindi naman po palyado ang company sa contribution ko sa SSS. Sa ngayon po may salary loan pa po ako. After siguro po ng loan ko magre-resign na ako at tatapusin ko lang ang two years na hulog sa salary loan.
Faith
REPLY:
Ito ay bilang tugon sa katanungan na idinulog sa Aksyon Line ng isang miyembro ng Social Security System (SSS) tungkol sa Educational Assistance Loan Program (EALP) ng aming ahensya.
Aniya, siya ay anim na taon na sa kanyang pinagtatrabahuhan at balak niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Dagdag pa niya, wala namang palya ang kanilang kumpanya sa pagbabayad ng kanyang kontribusyon sa SSS at sa kasalukuyan ay mayroon siyang salary loan sa ahensya.
Ang kanyang tanong, maaari ba siyang mag-apply ng EALP sa SSS. Para sagutin ito, ay aming iisa-isahin ang qualifying conditions ng programa.
Una, ang miyembro ay dapat hindi tataas sa 60 taong gulang. Ikalawa, dapat ang kanyang monthly basic salary o income ay hindi tataas sa P25,000. Ikatlo, siya ay dapat mayroong hindi bababa sa 36 na buwanang hulog sa SSS, anim dito ay dapat naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon. Ikaapat, dapat siya ay up-to-date sa pagbabayad ng kanyang salary o housing loan at iba pang member loans sa ahensya.
Kung mayroon siyang overdue na utang ay hindi aaprubahan ang kanyang aplikasyon. Gayundin naman kung siya ay magiging full scholar.
Mahalaga ring malaman niya na dapat ang paaralan at kursong pag-aaralan niya ay mga undergraduate courses mula sa mga unibersidad o kolehiyo na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) o mga institusyon na kinikilala ng Pamahalaan ng Pilipinas.
Ang pagbibigay ng EALP ay kada program term ng paaralan, kung kaya’t kailangang muling mag-apply ang miyembro para sa mga susunod na term hanggang sa makatapos siya o magamit na niya ang full allocation ng programa.
Para sa mga susunod na loan releases, kailangan ang miyembro ay may anim na buwanang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon at kailangang up-to-date sa pagbabayad ng kanyang member loans sa SSS.
Ang EALP ay mayroong revolving fund na P7 bilyon. Ibig sabihin nito ang pondo ay inilalaan sa mga kasalukuyang benepisaryo. Kapag nakatapos na sila sa pag-aaral at nabayaran ang EALP, babalik ito sa pondo para maipautang naman sa ibang aplikante na nais mag-aral.
Sakaling sa pag-apply ng miyembro sa EALP ay nakalaan na lahat ng pondo nito para sa mga kasalukuyang benepisaryo, ilalagay siya sa wait-list.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa EALP, maaaring bisitahin ng miyembro ang aming website sa www.sss.gov.ph at puntahan ang downloable forms. Nakapaloob sa EALP application form ang iba pang dapat niya malaman tungkol sa programa. Maraming salamat.
Sumasaiyo,
MAY ROSE
DL FRANCISCO
Acting Department Manager
Media Affairs
Department
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City
Republic of the Philippines Social Security System
sss.gov.ph
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.