Lito Bautista, Executive Editor
TAUMBAYAN, ikaw ang magpapasya. Hayan na naman ang pasabog ng survey (binabayaran ang survey at di yan taos sa puso. Sa madaling salita, hanapbuhay yan. At kung hanapbuhay, marami ang yumayaman, habang tayong sumusubaybay sa survey ay naghihirap).
Nangunguna na naman ang mga artista na kumakandidato sa Senado. Sina Bong at Jinggoy na naman ang nangunguna. Pasok din sina Vicente Sotto III at Manuel Lapid.
Taumbayan, marami ka bang pera? Kaya mo pa bang tustusan ang luho ng mga artista sa Senado (kahit na di guminhawa ang buhay mo sa kanilang paglilingkod; kahit na ang kanilang ginawa ay ipagtanggol ang amang mandarambong; kahit na bulatlatin ang kabayuan ng lalaki’t babae sa ibabaw ng kama; kahit na ang ginawa nila sa Senado ay makipagkaibigan at makipagkilala sa mga butiki sa kisame)?
Sige, iboto natin ang nagwawaldas ng pera natin sa Senado. Sige, iboto natin ang mga politiko na walang ginawa sa Senado kundi resbakan ang kanilang mga kaaway sa politika. Sige, iboto natin sila nang tayo’y maging dukha.
Taumbayan, tangan mo ang susi na magbubukas sa pintong masagana. Nasa iyo yan, kung gagamitin mo ang susi o hindi.
BANDERA, 020510
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.