PSL All-Filipino crown hahablutin ng F2 Logistics
Laro Ngayong Martes (Agosto 27)
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. F2 Logistics vs Cignal
(Game 2, best-of-3 championship series)
MABAWI ang koronang nawala ang hangad ng F2 Logistics Cargo Movers sa paghaharap ng Cignal HD Spikers sa Game 2 ng kanilang 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference best-of-3 championship series ngayong Martes sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Gaganapin ang Game 2 dakong alas-7 ng gabi kung saan asam ng Cargo Movers na muling masungkit ang titulong nabitawan nila nang talunin ng Petron Blaze Spikers noong 2017.
Mula nang makuha ang serbisyo ni Filipino-American spiker Kalei Mau, mas lalo pang lumakas at tumindi ang paglalaro ng F2 Logistics.
Tinapos nila ang elimination round na may 12-2 kartada bago sinibak ang Sta. Lucia Lady Realtors sa quarterfinals at patalsikin ang Foton Tornadoes sa semifinals para ikasa ang finals duel kontra Cignal na ginulat ang Petron sa kanilang dalawang semifinal games noong nakaraang linggo.
Subalit batid ng Cargo Movers na hindi madaling katunggali ang HD Spikers.
Sa Game 1, nagawang makuha ng Cargo Movers ang two-set lead bago nagsanib-puwersa sina Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga at Alohi Robins-Hardy para pangunahan ang matinding ratsada ng HD Spikers para ang laro sa isang fifth set.
Gayunman, ipinamalas ng Cargo Movers ang kanilang championship experience na ipinakita nina Aby Maraño, Ara Galang at Kim Fajardo katuwang si Mau sa fifth set para itala ang 25-22, 26-24, 18-25, 17-25 pagwawagi sa harap ng maraming manonood sa Smart Araneta Coliseum noong Sabado.
Kaya naman inaasahan ni F2 Logistics mentor Ramil de Jesus na mas magiging mainit ang labanan nila sa Game 2 kumpara sa Game 1.
Kumpiyansa naman si Cignal head coach Edgar Barroga na kahit na nabigo sila sa Game 1 ay makakabawi ang HD Spikers sa Game 2 matapos nilang maipakita ang mataas na lebel ng paglalaro sa pangkampeonatong serye.
Kung magwawagi sa Game 2 ang Cignal, ang Game 3 ay gaganapin ngayong Huwebes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.